Advertisers
MATAPOS sisihin ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang dating kontraktor sa kabundok na basura na tumambad sa mga kalsada sa lungsod at nagdulot ng mabahong amoy ngayong holiday season, naglabas ng pahayag ang Leonel Waste Management Corporation hinggil dito.
Mariing pinabulaanan ng Leonel ang paratang ni Manila Mayor Honey Lacuna ang umano’y kapabayaan ng kumpanya sa pangongolekta ng basura nitong holiday season.
Sa inilabas na pahayag ng Leonel, Setyembre pa lamang nang abisuhan nila ang alkalde na hindi na sila lalahok sa bidding para sa 2025 upang mabigyan ng sapat na oras ang lokal na pamahalaan sa paghahanap ng bagong kontraktor.
Sa kabila nito, patuloy parin umano nilang tinutupad ang kanilang serbisyo hanggang Disyembre 31, kahit na hindi pa nababayaran ang mahigit P561 milyong utang ng LGU.
Labis ding ikinalulungkot ng kumpanya ang paninisi ni Mayor Lacuna sa tambak na basura na nagkalat sa mga bangketa ng lungsod.
Giit nila, nagbigay na sila ng sapat na abiso upang maiwasan ang kasalukuyang sitwasyon.
Ayon sa naunang pahayag ni Mayor Lacuna, tumaas ng 400% ang dami ng basura ngayong holiday season.
Nauna naring inihayag ni Mayor Lacuna na 80 trucks ang nagpapatuloy na umiikot ngayon sa lungsod upang kolektahin ang mga basura.
Dahil sa panibagong problema sa basura, nakaapekto ito sa ratings ng alkalde kungsaan lumabas sa isang survey na bumaba ito sa ikatlong puwesto, sa likod ng nangungunang si Isko Moreno at pumapangalawang si Sam Versoza.(Jocelyn Domenden/B.Purisima)