Advertisers
Oo tama kayo kung ang hula ninyo ay ang Christmas game ng LA Lakers vs GS Warriors sa Chase Center sa San Francisco ang No. 1 sa listahan.
May average na 7.91 viewers at nag-peak ng 8.45M ang laban kung saan nanalo ang purple at gold, 115-113.
Naitabla pa ng Golden State ang score dahil sa magkasunod na tres ni Steph Curry. Mabuti at pumasok ang drive ni Austin Reaves sa huling segundo para magwagi sina LeBron James.
Hindi lang pinakamataas ratings nito sa buong season kundi pati sa huling limang taon.
Ibig sabihin nito ay biggest draw pa rin sina LBJ at Curry sa liga.
***
Sa atin hirap na hirap makabalik ang PBA sa ratings game.
Una humina na ang telebisyon bilang entertainment medium. Mapalad na ang isang top rater na maka-15 puntos. Halos kalahati lang ito noong TV ang hari. Nandiyan na kasi ang Netflix, YouTube at Facebook sa Internet na pinagkakabalahan ng tao. Lugi nga TV5 Sports sa pag-ere ng mga laro.
Pangalawa maraming kalaban na teleserye ang basketball coverage ng pro league. Tapos sankatutak din ang palabas na live games.
Pangatlo hindi na gaano competitive ang PBA ngayon. Kontrolado masyado ng SMC at MVP na mga pangkat ang bawa’t conference. Yung iba pang mga may star power sa Japan at Korea naglalaro.
***
No brainer ang paghirang kay Carlos Yulo bilang Athlete of the Year ng Philippine Sportswriters Association (PSA).
Ngayon lang tayo nagkaroon ng double gold winner sa Olympics. Talagang deserving ang Pinoy gymnast ng karangalan.
Kung si Hidilyn Diaz na nagwagi ng unang ginto sa kasaysayan ay pinarangalan din ng PSA ay si Yulo pa kaya na dalawang gold ang nakamit.
Pero si Caloy hinding-hindi mapipili na Ulirang Anak awardee. Alam na natin lahat ang dahilan.