‘BINIBEYBE’ ANG BURIKI: BATANGAS CITY POLICE CHIEF SIBAK SA PUWESTO!

Advertisers
Ni CRIS A. IBON
KUNG sa lalawigan ng Pampanga ay tigil ang operasyon ng sindikatong buriki/paihi, katunayan ay ang pagkaaresto ng 18 miyembro ng sindikato kamakailan, kabaligtaran naman sa Batangas City pagkat sa halip na supilin ng pulisya at iba pang law enforcement agencies ang mga magnanakaw ng daan-daang libo ng kantidad ng produkto na nagkakahalaga ng milyones mula sa mga petroleum depot sa naturang lalawigan ay tila walang nakikita at wala ring naririnig sa mga reklamo ng mga mamamayan laban sa operasyon ng mga sindikatong pinamumunuan nina “Rico Mendoza”, “Etring Payat”, “Efren” at “Balita”.
Sina Rico Mendoza, Etring Payat at Efren ay may dalawang kuta ng burikian/paihian sa Batangas City. Ito ay malapit lamang sa Integrted School ng Barangay Banaba West Bypass Road, kahilira ng UC gasoline station, at sa tapat ng Toyota Cars parking area sa Brgy. Banaba South Bypass Road.
Unang iniulat ng isang police intelligence officer ng Batangas PNP na sakop ng bayan ng San Pascual ang Brgy. Banaba West, ngunit sa masusing pagsasaliksik ng Police Files Tonite ay nakumpirmang ang naturang paihian/burikian ay nasa hurisdiksyon ng kauupo lamang sa pwesto na si Lt. Colonel Ira Arualan Morillo.
Sinibak kamakalawa sa pwesto si LtCol. Jephte Banderado nang nabigong lansagin ang matagal nang pamamayagpag ng mga naturang sindikatong pinamumunuan nina Rico Mendoza, Etring Payat, Efren at Balita, na mahigit sa 40 taon nang nagpapanakaw ng petroleum at LPG products, at ginagawang imbakan ng kinulimbat na produkto ang dalawang bodega nito sa compound ng isang beach resort na nasasakupan ni Brgy. Simlong Chairman Rufo Caraig.
Hindi lamang ang pulisya ng Batangas City ang tampulan ng pagbatikos at pumapangit ang imahe, manapa’y maging sina Batangas PNP Provincial Director, Col. Jacinto “Jack” Malinao Jr., dahil sa kawalan ng mga ito ng aksyon laban sa mga naturang iligalista na hayag ding mga drug pusher, gamit ang kanilang mga kuta sa malakihang transaksyon sa pagbebenta ng shabu.
Dumadagsa ang reklamo laban sa naturang sindikato, lalo na at nasa malapit lamang sa isang Integrated School sa Brgy. Banaba West Bypass Road, kahilira ng UC gasoline station ang pinakamalakas na burikian/paihian nina Rico Mendoza, Etring Payat at Efren na anumang oras ay pinangangambahang sumabog. Ang nabanggit na kuta ay nakunan ng litrato ng Police Files TONITE bago pumasok ang Bagong Taon, at panibagong larawan ang nakuha dito ng PFT photographer kamakalawa lamang.
Ang imbakan naman ng imported vehicles na Toyota Parking Area sa Brgy. Banaba South Bypass Road ang maaring madamay kapag sumabog ang mga pinaiihi din doon na highly combustible A1 Jet Fuel, na nababakuran lamang ng galvanized iron sheet o yero na mga kuta ng naturang mga kawatan. Bente kwatro oras o 24/7 na guwardiyado ng unipormadong mga pulis at barangay tanod, lalo na sa dakong gabi na full-blast ang kanilang pagnanakaw ng mga produktong petrolyo at LPG na kargamento ng mga tanker at capsule truck na nagmumula sa petroleum at LPG depot sa iba’t ibang dako ng lalawigan.
Ipinagmamalaki ng grupo nina Rico Mendoza, Etring Payat at Efren na malaki ang “lagay” nila sa tanggapan ng Batangas City Police, Batangas PNP Provincial, PNP Region 4A hanggang sa tanggapan ni PNP Chief General Rommel Francisco Mabil sa Camp Crame, Quezon City.
Bigo ang grupo ng Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) na makuha ang panig nina PD Col. Malinao Jr. at Batangas City Police Chief LtCol. Morillo hinggil sa tila pader at ‘di matinag na operasyon ng paihi/buriki syndicate.
Maging si Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit chief Col. Geovanny Emerick Sibalo at Batangas CIDG Provincial Officer Lt Col. Jake Barila na may hurisdiksyon din sa Batangas City ay wala ring hakbang para supilin ang operasyon ng naturang mga sindikato.
Dahil naman sa dami ng mga ipinagmamalaking “pamato”, padrino o protektor ni Balita sa hanay ng pulisya at pulitika, bukod pa sa malaking payola na pamumudmod nito sa pulisya at maging sa mga opisina ng National Bureau of Investigation (NBI) at CIDG, ay walang sinumang nakasaling sa operasyon niya.
Samantala, bago sumapit ang Bagong Taon ay sinalakay ng mga operatiba ni Region 3 PNP Director, BGen. Redrico Maranan, ang kuta ng sindikatong buriki/paihi sa lalawigan ng Pampanga, at naaresto ang 18 miyembro ng naturang grupo matapos na burikiin o pagnakawan ng kargamento ang isang tanker truck ng may 50,000 litro diesel na nagkakahalaga ng P2 million sa Brgy. San Antonio, Guagua.
Ang kaganapang ito sa Pampanga ay taliwas sa nangyayari sa Batangas City, kungsaan halatang binebeybe pa ng pulisya ang mga ilegalista tulad ng sindikatong pinamumunuan nina Rico Mendoza, Etring Payat, Efren at Balita, ayon pa sa MKKB.