Advertisers
ARESTADO ang dalawang tulak ng illegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P300k halaga ng shabu nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Navotas City, Sabado ng gabi.
Sa report kay Northern Police District P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang naarestong mga suspek na sina alyas “Bong-Bong” 45, at alyas “Jayson”, 34, kapwa residente ng lungsod.
Ayon kay Col. Cortes, naganap ang transaksyon sa pagitan ng mga suspek at mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) matapos isang operatiba ang nagawang maka-order kay alyas Bong-Bong ng P6,000 halaga ng shabu.
Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad silang dinamba ng mga operatiba alas-11:30 ng gabi sa Gov Pascual St., Brgy. San Jose.
Nakumpiska sa mga suspek ang humig’t kumulang 55.64 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P378,352.00, buy bust money at P200 recovered money.
Unang nakatanggap na ng impormasyon ang SDEU hinggil illegal drug activities ng mga suspek kaya isinailalim sila sa balidasyon at nang magpositibo ang ulat, ikinasa ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang tulak.
Kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa ng pulisya laban sa mga suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office.(Beth Samson)