Advertisers
HINDI parin gumagalaw ang tatlong nakahaing impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio sa Kamara (House of Representatives).
Oo! Nanawagan na ngayon si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative France Castro sa liderato ng Kamara na aksiyunan na ang tatlong impeachment complaints na inihain ng iba’t ibang sektor laban kay VP Sara sa pagsusumite ng mga iyon sa tanggapan ni Speaker Martin Romualdez.
Base sa patakaran ng Kamara, ang isang naberipika nang impeachment complaint ay dapat ihain sa Office of the House Secretary General at “immediately referred to the Speaker”, na isasama naman iyon sa Order of Business sa loob ng 10 session days pagkatapos itong matanggap ng lider ng House.
Kasunod nito, ire-refer na ang impeachment complaint sa House Committee on Justice sa susunod na tatlong araw. Pero hindi pa raw ito gumagalaw simula nang ihain last month ng 2024.
“Ang balita namin, naroon parin sa Office of the Secretary General. Dapat nga aksiyunan na ito ng leadership,” sabi ni Castro.
Nitong Huwebes, Enero 2, inanunsiyo ni Secretary General Reginald Velasco na may ikaapat pang impeachment complaint na ihahain sa Kamara sa susunod na linggo laban sa Bise Presidente. Hindi sinabi kung anong grupo ang magsasampa.
Sa nakasampang tatlong impeachment complaints na inihain Disyembre 2, 4 at 19, pangunahing diniinan ang iniimbestigahang paggastos ni VP Sara sa P612.5-million confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd) noong 2022 at 2023. Gayundin ang betrayal of public trust, bribery, plunder, graft and corruption at iba pang high crimes.
Una nang itinanggi ni VP Sara na hindi totoo ang mga paratang sa kanya kaugnay ng paggastos niya sa confidential funds, iginiit na isa lamang iyong political attack laban sa kanya.
Ayon naman kay Manila Rep. Bienvenido Abante, Jr., nasa 1/3 ng mga miembro ng Kamara ang gustong ma-impeach si VP Sara.
“But we don’t know id it will succeed in the Senate,” sabi ni Abante sa panayam ng media nitong Huwebes.
Sabi pa niya, nanatiling bulag ang congressmen sa impeachment process laban kay VP Sara “because nobody is moving.”
“There is no movement although three impeachmet complaints have already been filed,” sabi ni Abante, isa sa mga opisyal ng House Quad Committee na nagbusisi sa mga naging katiwalian ng tanggapan ng OVP at DepEd sa unang dalawang taon sa puwesto ni VP Sara.
Ang impeacment laban kay VP Sara ay uusad lamang depende sa magiging aksyon ng congressmen, kungsaan karamihan sa mga ito ay nagtatampisaw pa sa bakasyon hanggang nitong Biyernes.
Nauna nang sinabi ni President Bongbong Marcos na isantabi ang impeachments laban kay VP Sara dahil hindi raw ito importante. May mas mga mahahalagang bagay aniyang kailangan gawin para sa ekonomiya at kabuhayan ng mga Filipino.
1/3 lamang ng miembro ng House ang kailangan para sa resolution upang maaprubahan para makapag-set ng motion ng articles of impeachment.
Well, tingnan natin sa pagbabalik ng session ng Kamara sa sunod na linggo kung gagalaw na itong impeachment laban sa Bise Presidente.
Abangan!