Advertisers
HINILING ng Bureau of Corrections (BuCor) sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng parallel investigation sa insidente ng pananaksak na nangyari sa loob ng New Bilibid Prison noong Huwebes ng umaga na nagresulta sa malagim na pagkamatay ng isang person deprived of liberty (PDL) at nag-iwan ng dalawang iba pa na nasugatan.
Sa hiwalay na liham na nilagdaan ni Bucor Officer-in-Charge, Asec. Al Perreras kay NBI Director, Jaime Santiago at PNP Chief, P/Gen. Rommel F. Marvil, hinihiling ng Bucor sa dalawang ahensya na magsagawa ng sariling imbestigasyon upang higit pang maitatag ang mga katotohanan, isulong ang transparency, at matukoy ang pananagutan sa pagkamatay ni PDL Ricardo Peralta na may Prison No. N224P-1485 at ang pagkakasugat kay Reginal Lacuerta na may Prison No. N220P-1974, at PDL Bert Cupada na may Prison No. N223P-1537.
Inutusan din ni Perreras si C/SUPT Roger Boncales, Acting Superintendent ng NBP na magsumite ng komprehensibong incident report hinggil sa usapin at ganap na makipagtulungan sa mga imbestigasyong isasagawa ng NBI at PNP.
Ayon kay Boncales, ang bangkay ni Peralta ay inangkin kagabi ng kanyang common-law wife na si Lalune Gabriel habang sina Lacuerta at Cupada na nagtamo ng mga saksak sa katawan ay dinala sa Ospital ng Muntinlupa.
Samantala, hindi bababa sa apat na PDL na pinaniniwalaang sangkot sa insidente ang kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awtoridad. (JOJO SADIWA)