Advertisers

Advertisers

Arjo ‘di inaasahan na magiging mahusay na aktor; Aga mapamumura ka sa husay sa ‘Uninvited’

0 15

Advertisers

Ni ROMMEL GONZALES

MATAGAL na naming kilala si Arjo Atayde, maliit na bata pa lamang siya ay malapit na kaibigan na namin ang mga magulang niyang sina Sylvia Sanchez at Art Atayde, ala-alaga na namin noon si Arjo at mga kapatid niyang sina Ria at Gela na inaanak namin sa binyag.

Medyo nagkaroon lamang kami ng sari-sariling mundo ni Sylvia sa panahong ipinanganak na ang bunsong si Xavi kaya hindi na namin nasubaybayan ang paglaki nito.



Going back to Arjo, noon, ang pagkakakilala namin sa kanya ay tipikal na bagets, playful, atleta, estudyante, pero noon pa ay nais na niyang mag-artista at maging dancer.

Matulungin sa kapwa noon pa, pero wala sa isip niya na maging public servant.

Kaya nagulat kami noong nalaman namin na tatakbo siyang Congressman ng 1st District ng Quezon City… at nahalal!

Pero noon, kahit alam namin na nais niyang mag-artista, hindi namin inasahan na magiging magaling siyang aktor.

Madalas nga naming naiisip noon, parang walang nagmana sa husay ni Sylvia bilang artista.



Kaya naman ginulat kami ni Arjo na nang nagsimula na sa pagsabak sa akting, aba, napakahusay!

Lalo dito sa pelikula niyang TOPAKK na ang karakter niya ay bilang si Miguel Vergara na survivor ng giyera at may kundisyong PTSD o Post Traumatic Stress Disorder.

Ni isa sa mga dinanas ni Miguel sa pelikula ay hinding-hindi dinanas ni Arjo sa tunay na buhay pero buong husay at napakagaling niyang naiarte.

Kaya naman natutuwa kami na as early as now ay naihahanay na siya at naging nominado pa bilang Best Actor sa nakaraang 50th Metro Manila Film Festival kasama ang mga batikang aktor tulad nina Aga Muhlach, Dennis Trillo, Vice Ganda at Piolo Pascual at marami pang iba.

Ang edge pa ni Arjo, habang umaakting ng napakabigat at matindi ay nakikipagbarilan at nakikipagbugbugan sa kalaban!

And Arjo delivers both at his best!

***

HINDI kami nagtatrabaho tuwing Araw Ng Pasko, pero hindi namin tinanggihan ang imbitasyon ng Mentorque Productions, thru their publicist/colleague Reggee Bonoan sa block screening for the press para sa pelikulang Uninvited.

Si Ms. Vilma Santos-Recto ang bida sa Uninvited, at ang masasabi namin ay mula noon hanggang ngayon, Vilma Santos is Vilma Santos.

Si Aga Muhlach, mapapa-p_tang ina ka sa husay, ngayon lang namin siya napanood sa ganoong klase ng karakter.

Salbahe, mal_bog, walanghiya, na taliwas sa tunay na Aga Muhlach.

Kaya medyo nalungkot kami na hindi siya nominado sa MMFF.

Pero ganun siguro talaga, bawat tao ay may kani-kanyang panlasa.

Iyong Nadine Lustre, suwabe, class, bitchy na malandi, ang husay din.

Baguhan pa lamang si Ron Angeles, pero nakitaan na namin napakalaking potensyal; kapag naalagaan nang husto, puwedeng maging big star.

Napakaguwapo sa screen at lalo na sa personal, bukod pa sa nakakaarte, THE next leading man si Ron.

Mahuhusay na suporta sa pelikula sina Gabby Padilla, Elijah Canlas at Lotlot de Leon, kahit maiikli ang papel ng tatlo, markado!

At kung hindi naging maikli ang papel nina Gabby at Elijah, walang iikutan ang kuwento.

Ang pelikula, maganda, kakaiba, naitawid ng direktor ng Uninvited na si Dan Villegas na maayos ang pagkakalahad ng kuwento na totoo nga, naganap lamang sa loob ng beinte kuwatro oras at halu-halong drama, at aksyon.

Kaya happy kami na hindi kami Uninvited sa pelikula.

Totoo, maganda ang lineup this year at sana mas tangkilikin pa ng publiko ang lahat ng film entries sa festival.