Kolektor ng basura sa Maynila pinalitan dahil ‘di epektibo, task force binuo kontra pananabotahe
Advertisers
LUMIKHA si Manila Mayor Honey Lacuna ng isang task force na magbabantay kontra sa mga pananabotahe ng ginagawang koleksyon ng basura ng pamahalaang lungsod sa kabisera ng bansa. Ito ay kasabay din ng pagagawad sa dalawang bagong contractor ng pamahalaang lungsod bunga na rin ng ‘di epektibong serbisyo ng dating contractor ng basura na kinuha ng nakaraang administrasyon. Isa rin sa dahilan ng pagpalit ng contractor ng basura ay ang mga reklamo ng mga residente sa hindi pagkolekta ng kanilang basura na sa tingin ng iba ay pananabotahe sa kasalukuyang administrasyon.
Nabatid na ang mga bagong contractors na MetroWaste Solid Waste Management Corporation (MetroWaste) at Phil. Ecology Systems Corporation (PhilEco) ay nag- ‘dry run’ ng kanilang garbage collection nitong December 30 matapos na magwagi ng kontrata sa isang malinis at transparent na bidding. Pinalitan ng mga ito ang Leonel Waste Management, na kontraktor na noong panahon pa ni ex-Mayor Isko Moreno.
“Nanalo ang MetroWaste at PhilEco sa bidding sa halagang pasok sa approved budget ng Lungsod na P842.7 milyon. Ang kontrata ay para sa buong taon ng 2025, para sa anim na distrito ng Maynila. Nasa P412,931,706.32 ang winning bid ng MetroWaste para sa Districts 1, 2, at 3 ng Maynila habang P429,786,061.68 ang winning bid ng PhilEco para sa koleksyon at disposal ng basura sa Districts 4, 5, at 6,” saad ni Lacuna.
Base sa PhilGEPS procurement portal, ang invitation to bid ay inilabas noong November 21, habang ang deadline para sa submission ng bids ay noong December 3. Ang parehong bidding ay ginawa sa parehong araw.
Ayon kay Lacuna, mayroong ng dalawang kontraktor na titiyak na ang koleksyon ng basura ay above standard, ito ay dahil na rin sa kabiguan ng dating contractor na Leonel Waste Management Corporation, na gawin ang kanilang trabaho.
“Asahan pong may kaunting adjustments sa simula, mabilis naman ang magiging transition dahil aalalay ang Manila Solid Waste Management Office sa mga bago nating contractors upang matiyak na mahahakot ang mga basura nang mabilis at maayos. We expect the collection schedule to fully normalize by the second week of January,” ayon pa kay Lacuna.
Sa kaugnay na balita, binuo ni Lacuna ang 10-member task force na tinawag na TFARO (Task Force Against Road Obstruction) at binubuo ng iba’t-ibang units ng local government, na layuning tiyakin na maayos ang paglipat ng the operations mula sa luma at bagong contractors.
Kaugnay pa nito ay nagbabala din ang lady mayor sa mga magsasamantala ng transition period para palabasin na palpak ang city government’s garbage collection.
“May mga gumagawa ng hakbang para guluhin ang proseso at sirain ang reputasyon ng lungsod at bagong contractor. Kilala namin sila – ang iba’y nag-ooperate sa gedli-gedli, habang ang iba nama’y tila mga bampirang kayang maglalakad sa liwanag ng araw. Pakaway-kaway pa. Zero tolerance tayo sa anumang uri ng pananabotahe, mula man ito sa loob o labas ng city hall,” sabi ni Lacuna.
Umapela rin si Lacuna sa mga barangay officials na suportahan at makipagtulungan sa dalawang bagong contractors upang makapagtrabaho ito ng maayos at hiniling din nito na payuhan ang mga residente sa proper waste segregation and garbage collection schedules. (ANDI GARCIA)