Advertisers
MANIGONG bagong taon sa lahat!!! Ito ang una sa pangalawang kolum ko sa pahayagang ito. Nagpapasalamat ako sa mga Bathala Ng Police Files Tonite na nakaluklok sa Kaharian ng Intramuros at binigyan nila ako ng pangalawang pinto, upang maghatid sa inyo ng aking saloobin tungkol sa mga kaganapan sa lipunan.
Hindi ko maintindihan ang desisyon ng Comelec nang pinayagan nilang tumakbo sa halalan si Apollo Quibuloy samantalang tinanggalan ng karapatan si dating mambabatas Edgar Erice na tumakbo bilang kongresista para sa pangalawang distrito ng Kalookan sa darating na midterm elections. Bagamat nag apela si Erice sa Korte Suprema, himayin natin ang hatol ng COMELEC sa dalawa: Noong Oktubre 2024 ay nagsampa ng kasong pag-uudyok ng sedisyon ang PNP CIDG laban kay Quibuloy at ilan pang personahe.
Bago nagsampa ng kasong Qualified Trafficking in Persons at Qualified Human Trafficking laban sa kanya. Bukod dito inutos ng Korte Suprema ang DOJ na ilipat ang mga kaso niya sa Quezon City. Bago sinampahan siya at iba pa niyang kasapakat ng kasong sexual abuse, child exploitation at qualified human trafficking sa Pasig RTC noong Marso 2023. Sa ngayon, nakapiit ang bulaang pastor sa walang piyansa.
Tingnan natin ang kaso ni Edgar Erice: tinanggalan siya ng karapatang tumakbo sa midterm elections dahil sa disqualification case na isinampa ni Raymond Salipot. Sa sinumpaang salaysay ni Salipot, lumabag umano si Erice sa Art 22, Sec 261 ng Omnibus Election Code na nagbabawal sa pagpapakalat ng tsismis na pwedeng ikalito ng botante. Bukod dito sinabi din daw ni Erice na maanomalya ang kontrata ng COMELEC at Miru Systems na magus-supply ng vote counting machines sa midterm elections.
Samakatuwid, kinatigan ng COMELEC si Salipot dahil sa tsismis? Hindi ako huhusga ngunit may malaking “integrity” issues ang COMELEC sa ngayon. Hindi maganda na nauugnay ang institusyon sa ganito. Sa ngayon nag- inhibit si Garcia, na nararapat lang lalo na’t nauugnay siya sa magiging kalaban ni Erice sa 2nd district ng Kalookan na itatago lamang natin sa pangalang Mitch Cajayon-Uy.
Naging abogado siya ni Cajayon-Uy si Garcia sa isang election case. Ang gulo, ano? Binabalot ng sunud-sunod na isyu ang COMELEC sa ilalim ni George Garcia, na na-appoint ni serial killer na dating pangulo. Opinyon ko? Ang payagang tumakbo si Quibuloy ay nagparang pinayagan na lumaban ang pato sa tupada. Buti na lang nilipat sa ibang tupada ang sabong at baka manalo pa ang pato. Bagama’t, nasa Korte Suprema na ang pasya kung patatakbuhin pa si Ang pato.
***
Sa pag-isyu ng Banko Sentral sa mga polymer bills sumusunod lang tayo sa gawain ng paggamit sa perang polymer na unang nauso sa bansang Australia noong 1970s. Ngunit isa lang ang una ng maliit na peryodistang ito; tinanggal sa mga imahe ang mga bayani. Wala akong isyu sa pagdagdag ng litrato ng sining; mga hayop, halaman at kabundukan. Ngunit bakit kailangan tanggalin ang mga bayani? Sa maraming tao dito lang magigisnan ang larawan, pati ang atang nila para sa Bayan. Para sa inyong abang-lingkod, nangangahulugan po na pinalitan ang katauhan ng kahayupan. Sorry not sorry.
***
Nakikidalamhati ang inyong abang lingkod sa pagpanaw ng dating pangulo ng Estados Unidos Jimmy Carter sa gulang na isandaan. Sa administrasyon ni Carter naging isyu ang Iranian Hostage Situation kung saan naging bihag ng Revolutionary Guard ang ilang Amerikano matapos ang Iranian Revolution kung saan hinirang si Ayatollah Ruholla Khomeini na Supremong pinuno ng Iran matapos pabagsakin si Shah Reza Pahlavi.
Matapos ang pagretiro niya sa pulitika naging aktibo si Mang Jimmy sa Habitat For Humanity kung saan siya mismo, tangan ang martilyo at lagare, gumawa ng mga bahay para sa mahihirap. Isa sa mga proyekto ng Habitat na nilahukan niya ay matatagpuan sa Naic, Cavite. Nagpapasalamat kami sa atang niyo Mang Jimmy.
***
Wika- Alamin:
MANIGO: ay isang pang-uri o adjective na nangangahulugan ng masagana, mapalad at mapag-ayon. Sa wikang ingles, ito ay adjective prosperous; o fortuitous; o lucky. Kapag ginamit sa salita “ang abang kolumnistang ito ay binabati kayo ng ISANG MASAGANA, MAPALAD AT MAPAG-AYONG BAGONG TAON!!!
***
mackoyv@gmail.com