Advertisers
Sugatan ang senior citizen na driver ng Toyota Commuter Hi Ace Van na may plakang GIE 272 at sampu nitong mga kamag-anakan nang salpokin ang center barier sa Diversion Road malapit sa Stone Gate Subdivision, Barangay Domoit ng Lucena City, Quezon, Sabado ng umaga, December 28, 2024.
Sa ulat ng Lucena City Police Station, sakay ng Toya Hi Ace Van ang labing isang katao na pawang mga residente ng Guinaban, Camarines Sur kabilang ang nagmamaneho na si Francisco Barbosa, 69-anyos, sa kahabaan ng nasabing diversion road patungo sa direksyon ng Bicol nang makatulog at mawalan ng kontrol sa manibela at aksidenteng nabangga ang center barrier.
Kinilala ang mga sugatan na sina Bernardo Oriel, 39; Roselyn Oriel, 37; Stella Faye Oriel, 5; Ivan Bernard Oriel, 8; Ellen Rose Oriel, 7; Shirley Barquilla, 39; Mark Steve Barquilla, 4; Raquel Ortega, 46; Maria Maxine Ortega, 4; at Rebecca Chavez, 70-anyos.
Dinala ang mga biktima sa Quezon Medical Center para malapatan ng lunas.
Mahaharap ang driver sa kasong Reckless Imprudence Resulting into Multiple Physical Injuries and Damage to Property.(Koi Laura)