Advertisers
MATAGAL nang inirereklamo ng simbahan at debotong namamanata ang mga perwisyo at salot na sugal na naging bisyo na ng mga sugarol at kabataan pero wala umanong ginagawang aksyon dito ang Biñan LGUs at Laguna PNP.
Naging paksa na ng pitak na ito noong nakaraang buwan ang gabi-gabing sugal sa perya tulad ng “color games at drop ball’ na nakalatag sa tabi ng eskwelahan, simbahan, barangay hall, police station at palengke ng Biñan, Laguna.
Ayon sa ilang concern citizens imbes na ilayo umano nina Biñan City Mayor Atty. Walfredo “Arman” Dimaguila at Vice Mayor Angelo “Gel” Alonte ang kanilang mamamayan ay mistulang itinutulak pa ng mga ito para magumon o malulon sa bisyo ang mga ito.
Kunsabagay may punto dito ang mga nagrereklamo dahil walang pinagkaiba ang sugal sa shabu, dahil pareho itong nakaka-adik.
Sinabi nila kahit sa mismong ang Biñan Elementary School ay hindi pinaligtas sa paglaganap ng gabi-gabing sugal na humihigop sa pera na pinaghihirapan ng mamamayan.
Tinukoy ng mga kunsomedong residente ang mga lugar na pinamumugaran ng salot na sugal partikular sa Barangay Sto Domingo, Barangay Sto Thomas at Barangay Timbao na inaabot umano ng madaling araw ang mga adik na sugarol maging ang mga kabataan.
Pakiwari nila walang gobyerno na sumasaway rito.
“Imposibleng hindi alam ni meyor yan eh araw-araw dyan sya dumadaan saka kakampi niya mga kapitan dyan”. – wika ng isang titser na ayaw magpakilala bilang proteksyon na rin sa kanya
Aniya maraming kabataan at pamilya na ang napapariwara ang buhay dahil sa sugal na imbes ipambili na lang ng bigas ang kanilang pera, ay ipinagsapalaran pa sa “color games at drop ball” na “front” ay ang tradisyunal na Peryahan.
”Parang mga patabaing baboy ang mga namumuno dito sa Biñan pati pulis at barangay lahat yan nakikinabang sa ilegal at tumatanggap ng “payola” kaya nagiging bulag sila” – diin pa niya
Kung pagbabatayan natin ang hinaing ng mga taga Biñan, Laguna malinaw pa sa sikat ng araw ang pagpapabaya at paglapastangan sa batas na Presidential Decree 1602 at Republic Act 9287 ni PLtCol Jonathan Robert Rongavilla, chief of police ng Biñan ang hindi umano nito pag-aksyon laban sa ilegal na sugal na matagal ng inerereklamo ng simbahan at mga namamanata.
Tahasan din sinabi ng mga nagrereklamo sa pitak na ito na ipinapangalandakan ng mga bantay sa sugal na umaabot na sa P2.2 milyon ang diumanoy PAKIKISAMA ng kanilang Bigboss na alyas Judith sa ilang mataas na opisyal ng Laguna Police Provincial Office at Police Regional Office 4A sa pamamagitan ng mga engkargado ng S2, PSOG, R2, at RSOG. Pati nga raw sa DILG, CIDG at NBI-4A ay nakakarating ang kanilang TIMBRE.
Kaya pala “untouchable” dahil PASOK pala lahat?
Ang tanong alam kaya ito nina Mayor Dimaguila, Vice Mayor Alonte, PLtCol Rongavilla, Laguna Provincial Director PCol. Gauvin Unos, CALABARZON Regional Director PBGen Paul Kenneth Lucas, NBI-4A Regional Director Atty. Olivo Ramos, CIDG Director PMaj Gen Nicolas Torre III at DILG Sec. Jonvic Remulla?
Samantala naniniwala naman ang ilang sektor at simbahan na bumabatikos rito na hindi matutuldukan ng kapulisan maging ng NBI at DILG ang pamamayagpag ng ilegal na sugal dahil sa ipinagmamalaki ng mga bigtime na peryante na BINUSOG nila sa PAYOLA ang mga nabanggit na tanggapan.
May impormasyon na bukod sa bayan ng Biñan, Laguna untouchable din ang mga pwesto pijong sugalan ni alyas Judith na matatagpuan sa may Tram Plaza Balibago at Victory Central Mall ng Santa Rosa City, Laguna.
Ang malaking tanong ay kung nabili na ba ni alyas Judith ang TSAPA ng mga matataas na opisyal ng kapulisan sa laguna?
Subaybayan natin!
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.