Advertisers
INIHAYAG ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian na matapos ang pitong buwan mula noong unang naibalita ang “Palit-Ulo Scam”, nagkaroon na ng maayos na resolusyon sa pagitan ng Ace Medical Center at apat na biktima.
Nagpaabot din ang Ace Medical Center ng tulong pinansyal na tig P1 M sa mga biktima para mabigyan ng pagtatapos ang tinatawag na “palit-ulo scam.”
“I very much welcome the assistance na ibinigay ng ACE Medical Hospital sa ating mga biktima. Ang financial assistance na ibinigay nila last Friday para magkaroon na rin po ng closure ang ating imbestigasyon paukol sa scam,” ani Mayor WES.
Noong Abril, sinabi ng lokal na pamahalaan na ang mga kasong illegal detention ay isinampa laban sa naturang hospital.
Sinabi ng isang complainant na si Lovery Magtangob, na dinala sa ospital ang kanyang hipag nang makaranas siya ng pagsusuka at hirap sa paghinga noong Pebrero 22. Namatay umano ang pasyente dahil sa thyroid storm at ilang komplikasyon matapos ma-admit sa ospital at intensive care unit (ICU) sa loob ng apat na araw.
Dahil sa hindi pa settled bill ang kanilang bill noon na nagkakahalaga ng P777,378, sinabi ni Magtangob na pinigilan siya ng isang security guard na lumabas ng ospital.
Ang nagreklamo rin na si Richel Mae Pepito Alvaro, ay nagsabing pinigilan din siyang lumabas ng ospital, kahit para bumili ng pagkain, matapos mabigong bayaran ang mga bayarin sa medikal ng kanyang namatay na asawa na nagkakahalaga ng P518,519.
Sa ordinansa ng lungsod sa anti-hospital detention ordinance, pinaalalahanan din ng alkalde ang mga pribadong ospital sa Valenzuela City na igalang ang karapatang pantao ng mga pasyente, lalo na ang mga mahihirap, na umaabot sa kanila para sa medikal na atensyon.
Sa tulong pinansyal na ibinigay, sinabi ni Valenzuela City Councilor Atty. Bimbo Dela Cruz na “malayang” nagpasya ang apat na biktima na bawiin ang kanilang mga reklamo laban sa pribadong ospital.
“Naayos na ho ang relasyon ng ACE Medical Hospital sa city hall. Naayos na rin ho ang relasyon nila sa apat na biktima natin. Kaya ho ‘yung apat natin na biktima, malaya at kusang loob silang umatras sa mga kaso na finile namin sa PhilHealth, DOH, Commission on Human Rights, sa piskalya,” ayon kay Dela Cruz.
Sinabi ni Atty. Dela Cruz na higit pa itong “regalo” sa mga biktima ngayong holiday season.(Beth Samson)