Advertisers

Advertisers

Pangilinan sa DOH: Alisin na rin ang booklet requirement para sa PWDs

0 18

Advertisers

Hinimok ni dating Senador Kiko Pangilinan ang Department of Health (DOH) na alisin na rin ang requirement na purchase booklet para sa persons with disabilities (PWDs) upang mapagaan ang proseso sa kanilang pagbili ng gamot.

Ginawa ni Pangilinan ang panawagan kasunod ng paglabas ng DOH ng Administrative Order (AO) No. 2024-0017 na nag-aalis ng booklet requirement para sa mga senior citizen upang makuha ang 20-percent discount sa gamot.



“Gaya ng kanilang ginawa para sa ating senior citizens, hinihiling natin sa DOH na alisin na rin ang booklet requirement sa ating PWDs para makakuha ng diskuwento sa gamot,” wika ni Pangilinan.

“Malaking tulong ito para mapagaan ang proseso sa pagbili nila ng gamot at iba pang pangangailangang medikal,” dagdag niya, kasabay ng paggiit na sapat na ang valid PWD ID at reseta ng doktor para makuha ng mga PWD ang diskuwento na nakasaad sa batas.

Sa ilalim ng DOH Administrative Order No. 2017-0008, o ang “Implementing Guidelines of Republic Act 10754,” kailangan ng PWDs ng purchase booklet, tulad ng ginagamit ng senior citizens, para makakuha ng diskuwento sa gamot.

Kilalang tagapagtaguyod ng kapakanan ng PWDs, isinulong ni Pangilinan ang pagsasabatas ng Republic Act 10070 sa Senado bilang principal author.

Itinatakda ng batas ang paglikha ng Persons with Disabilities Affairs Office (PDAO) sa bawat probinsya, lungsod, at munisipalidad upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng mga programa at serbisyong nakalaan para sa PWDs.