Advertisers
NATUKLASAN ang tatlong kalansay ng tao sa Purok 5, Ba-luntay Sarangani Province, ayon sa Philippine National Police (PNP) – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong Biyernes.
Sinabi ng hepe ng CIDG na si Police Brigadier General Nicolas Torre III na sinabi ng isang saksi na ang isa sa mga labi ay kay “Jomar” ng Polomolok, South Cotabato na ilang buwan nang nawawala.
“The identification is subject to confirmation through further forensic analysis.”
Nagsagawa rin ng exhumation ang PNP CIDG sa lugar at nakarekober pa ng dalawang labi ng tao.
Ang pagkakadiskubre sa grave site o tapunan ng mga bangkay ay kasunod ng pagkakahuli ng CIDG-Sarangani sa dalawang gun for hire suspects nitong December 10 na kinilalang sina Renante Niepes Nebres at Ramil Dianda Salim.
Ayon sa pulisya, ang dalawa mismo ang nagbunyag na doon sa nabanggit na grave site nila ibinaon ang hindi pa mabilang na mga biktima.
“The crime scene remains under investigation and additional updates will be provided as the case progresses,” dagdag pa ng CIDG.
Sinabi ni Torre na magpapatuloy ang imbestigasyon ng CIDG kaugnay sa nasabing insidente.
(Mark Obleada)