Advertisers
MAY paalala ang Philippine Coast Guard (PCG) sa ating mga kababayan na pauwi sa kanilang mga probinsya ngayong panahon ng bakasyon o holiday season.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, binalaan ni PCG spokesperson Commodore Algier Ricafrente ang publiko laban sa mga mapagsamantalang fixers at humihingi ng pera kapalit ng mabilis na proseso o pagkuha ng tiket.
Ginawa ni Ricafrente ang pahayag sa harap ng dagsa ng mga pasahero sa mga pantalan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Paalala ni Ricafrente, huwag tangkilikin ang ganitong klaseng pananamantala at i-report sa pinakamalapit na himpilan ng coast guard o sa iba pang ahensya tulad ng PNP upang agad na maaksyunan at mapigilan ang paglaganap ng ganitong gawain.
Binigyang-diin ni Ricafrente ang kahalagahan ng maayos at organisadong sistema sa mga pantalan kung saan ang mga pasahero ay dapat dumaan sa first-come, first-serve basis alinsunod sa kanilang mga booking at ticketing arrangements. (Gilbert Perdez)