Advertisers
ARESTADO sa ikinasang anti-illegal drugs operation ng Koronadal City Police Station ang isang guro na nagsa-sideline sa pagtutulak ng ilegal na droga.
Tinukoy ni Lt. Colonel Hoover Tapang Antonio, hepe ng Koronadal City Police Station, ang titser na si alyas “John”, 36 anyos, at nasa listahan ng mga high value individual sa ilegal na droga.
Nakuha mula sa titser ang dalawang pakete ng shabu, buy-bust money at iba pa.
Ayon kay Antonio, ilang linggo nilang sinusundan ang galaw ng guro nang makatanggap sila ng impormasyon na sangkot ito sa pagbebenta ng ilegal na droga.
Kasalukuyang nakapiit ang titser, nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.