Advertisers
Ni Rommel Gonzales
BONGGA ang 50th Metro Manila Film Festival (MMFF), although absent ang isa sa mga regular ng filmfest na si Senator Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr.
Miss na nga raw ni Senator Bong ang MMFF.
“Actually, talagang miss na miss ko na. Gusto kong gumawa sana.
“Ngayon, 50th anniversary ng Metro Manila Film Festival. Dapat may entry ako riyan.
“Usually every year, may kasama tayong pelikula. Dapat yung entry ko nga, yung Alyas Pogi.
“Yun nga lang, nagkaroon ng aksidente. Naputulan ako ng achilles tendon, but luckily, I was able to recover ng ganitong kabilis.
“Pero, kung gagawin ang Alyas Pogi, hindi pa rin aabot sa MMFF.
“Kaya napakasuwerte ko rin na nakagawa ako ng Walang Matigas Na Pulis sa Matinik na Misis.”
Season 3 na ng naturang action sitcom ni Senator Bong na ipapalabas simula sa Linggo, 7:15 P.M. December 22 sa GMA.
Nahinto ang sinisimulan na sana niyang shooting ng Alyas Pogi dahil noong unang buwan ng 2024 ay naaksidente siya at kinailangang ipahinga niya ang kanyang paa.
Pero sa trailer ng Walang Matigas na Pulis, pasabog ang mga action scenes niya na siya mismo ang gumawa at walang dobol.
“Nakita niyo naman, nakakatalon ako, nakakatayo ako, nakakatakbo ako. Kung ano ang kailangan ipagawa sa akin ng direktor, nagagawa ko.
“Yun nga, parang feeling nila, ‘O, baka madisgrasya na naman.’ Lahat ninenerbiyos.
“May isang eksena nga na nandun ako sa ibabaw, biglang nahulog ako sa sasakyan. Lahat sila, tahimik. Pero sabi ko, I’m okay.
“Mula noong binigyan ako ng go signal ng doktor ko na ‘You can do anything, kaya mo yan,’ nagagawa ko lahat.
“Wala akong takot. It’s all in the mind.
“Akala ko noon, katapusan na ng career ko. Pero binigyan pa rin ako ng pagkakataon ng Diyos na makagawa ng magagandang proyekto na tulad nito at marami pa.”
Sa Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis ay kasali si Jillian Ward na noon pa nais makatrabaho ni Senator Bong.
Pero base sa trailer, mukhang hindi sa buong Season 3 mapapanood si Jillian.
“Panoorin na lang,” ang sagot ni Senator Bong tungkol sa partisipasyon ni Jillian sa show.
“Siguradong hahanapan ng follow-up. Kaya ayoko munang i-reveal.
“Mahaba ang magiging involvement niya, so basta abangan niyo. Panoorin ninyo and sure na maiibigan niyo sa istorya.”
Sinabi rin ni Senator Bong na malamang magkatrabaho sila ni Jillian sa pelikula.
Unang nagkasama sina Bong at Jillian sa mga pelikulang Si Agimat at si Enteng Kabisote (2010) at Si Agimat, si Enteng Kabisote at si Ako (2012), at sa Kapuso infotainment show na Kap’s Amazing Stories (2012-2014).
Samantala tatlong seasons nang magkasama sina Bong at Beauty Gonzalez, na gumaganap bilang mag-asawa sa Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis.
“Basta yung ine-expect niyo, itong character ni Beauty na talagang pagiging alpha. Talagang matapang na asawa, hindi mawawala yon kasi, siya yon.
“Kapag sumigaw na ng ‘Tolome!’ yan, para na siyang nasapian.
“At kapag sinigawan na ako ng ‘Tolome!’ para na akong nauubos.
“Pagkasiga niya, pagkatapang, hindi mawawala.
“But, yung lambing ni Gloria. Naasapian lang pero may lambing.”