Advertisers

Advertisers

Demonyong peryahan (kuno) sa Caloocan, todo operasyon na

0 46

Advertisers

Maraming residente ng Caloocan City ang nasiyahan nang tumigil ang operasyon ng demonyong libangan o peryahan kuno sa lungsod makaraang ipag-utos ni Caloocan City Mayor Along Malapitan na hulihin at isara.

Iniutos ni Mayor Along na isara ang mga perya kuno nang makarating sa kanyang kaalaman na isa itong prente ng ilegal na sugal, tulad ng color games at iba pa.

Bukod dito, nakita rin na ang sugal lupa ay mitsa ng kaguluhan…dahil sa mandaraya ang mga palarong sugal dito – walang kapanalonalo ang mga pobreng mananaya.



Heto pa ang mas matindi, ang mga peryahan kuno o mas kilala sa tawag na perya-sugalan ay paboritong tambayan ng mga adik at maging ng mga pusher. May impormasyon pa ngang sa bisinidad ng peryahan nagaganap ang transaksyon sa bentahan ng droga. Totoo ba ito? Naku po, dapat ngang mapasara ang mga peryahan kuno.

Sa pagkakasara ng mga peryagal sa Caloocan nang magbukasan nitong nakaraang buwan, talagang ikinatuwa ito ng mga mamamayan ng lungsod – hindi lang sa mga kadahilanan na nabanggit kung hindi, nagagamit na sa tamang paraan ang nakukuha nilang ayuda sa pamahalaan, lokal at nasyonal. Hindi tulad nang magbukasan, naipupusta lang sa peryagal ang mga cash assistance mula gobyerno.

Pero ano itong impormasyon na nakarating sa inyong lingkod, dahil sa isang ungas na kilala sa alyas ‘’Peter’, nagpapakilalang malakas daw siya sa opisina ng alkalde ng lungsod, nagbukasan na ulit ang mga demonyong libangan sa lungsod partikular na sa Sta. Quiteria. Pinahintulutan ni Peter ang player na maglatag ng peryagal nito.

Isang alyas ‘Boknoy’ ang nasa likod ng demonyong libangan ngayon sa Sta. Quiteria…at ang kanyang ipinagmamalaki ay si alyas ‘Peter’…ginagamit naman ni Peter ang opisina ni Mayor Along. Naku po, naniniwala tayong walang kinalaman si Mayor Along dito. Oo naman. Galit yata si Mayor Along sa ilegal na sugal. Ipahuli at isara na iyan Mayor Along!

Mayor Along M., nalusutan yata po kayo nina alyas ‘Peter’ at alyas ‘Boknoy’. Teka, ba’t naman kaya tameme ang Caloocan Police sa pasugalan ni Boknoy?



Ops, hindi lang pala sa Caloocan ang operasyon ng perya-gal ni alyas Boknoy kung hindi maging sa Baliwag, Bulacan – ang puwesto niya ay malapit sa palengke ng bayan. Abangan!