Advertisers

Advertisers

HUWAG SAYANGIN

0 2,811

Advertisers

Mahusay ang pagganap ng malawak na kapulungan kung pagbabasihan ang mga naganap na mga pagdinig sa mga usaping bayan. Sa pagnanais na maging mabunga sa mga pagdinig higit ng mga komite, minabuting pag-isahin ang apat na komite at bumuo ng isang “super committee” na tinawag na QuadCom. Sa pagkakabuo ng QuadCom na pinamumunuan ni Kinatawang Ace Barbers lumabas ang maraming impormasyon at detalye hinggil sa iba’t – ibang pagkakasangkot ng Mangmang ng kaTimugan sa iligal na gawain na nakapaloob sa bigong programa laban sa droga. Hindi nakaporma ang dating matabil na pangulo ng masukol ng mga kinatawang bayan hinggil sa salang utos na nagresulta sa Extra Judicial Killings (EJK) saan mang panig ng bansa. Ang batid na walang katarungan ang mga biktima ng EJK nabigyan pa ng pabuya ang mga tauhan (kapulisan o kasundaluhan) na nagsagawa ng mga operasyon kahit sala ang gawa.

Nakakatabang puso ang mga naganap na pagdinig ng QuadCom kahit may kahabaan dahil na tuunan ng sapat ang pagdinig sa EJK ng dating pamahalaan. At nasundan ng pagkakabatid sa pagmamalabis ng abalang pangulo sa paglustay ng salaping bayan. Masaya ang bayan sa nalaman ang walang pakundangan na paglulustay sa kaban ni Inday Siba sa mga kaperahan na ‘di maipaliwanag kung paano o saan itinustos. Sa pagdinig lumabas na malaking salapi ang ‘di tuwirang nagamit sa dapat na pagtustusan ngunit pilit na gumagawa ng paraan upang masabing nagamit sa takdang pinaglaanan. Sa haba ng mga tanungan, lumabas ang katotohanan na gawa-gawa ang mga dokumentong ipinasa sa COA upang masabing may pinaggastosan ang pera ng bayan. At sa paglalalim ng pag-uusisa, nabatid ang sala na tila walang pagtustos na naganap na nagsilang kay Mary Grace Piattos na walang dokumento ng pagsilang o pagkamatay ngunit nasa Pinas at lumagda pa sa dokumentong ipinasa ng tanggapan ng abalang pangulo.

Batid na ‘di pa tapos ang takbuhin ng QuadCom subalit malinaw na nahubaran ng maskara ang grupo ng mangmang ng kaTimugan sa mga salang gawa ng bigong programang laban sa droga. Malinaw na pinagka kitaan ang programa ng iba’t ibang tanggapan sa pamahalaan sa panahon ng mapag-imbot na si Totoy Osla. At walang naitagong baho dahil tunay na nangangamoy ang bulok na gawa higit umiikot ang naglipanang kaluluwa ng mga biktima ng EJK at ang kaluluwa ni Mary Grace Piattos.



Ang pagkakabatid ng salang gawa ng mga pagpatay at paggamit ng salaping bayan ang ‘di tanggap na kaganapan na kailangan singilin sa mga salarin. Ang mapanagot ang mga salarin, ang mga mangmang ng kaTimugan ang hustisyang dapat makamtan ng mga biktima ng EJK at ng bayan na pumapasan sa mga gastusin na pinalalandakan sa panahon ng mga mapagmalabis. Salamat sa QuadCom at sa mga kinatawang bayan na nag-sunog ng kilay upang makalabas at mapabatid ang salang gawa sa nakaraan, higit ng mga mangmang ng kaTimugan kay Mang Juan.

Hindi pa man naglalabas ng opisyal na ulat ang malawak na kapulungan hinggil sa mga pagdinig umaasa na hindi magtatagal ang pagtutuon na kailangang masampahan ng kaso ang mga taong namuno sa salang programa ng EJK at ang walang pakundangan paglustay ng salapi ng bayan. Walang hindi dapat panagutin maging ito’y dati o kasalukuyang opisyal sa ngalan ng katarungan na may kailapan sa tulad ng nanay ni Aldrin Castillo at Kian de los Santos. Samantala, huwag limutin ng paghahain ng pagpapasipa kay Inday Siba at pagpapanagot sa panlulustay ng salaping bayan. Hindi personalan ang paghahain ng usapin sa mga isasakdal dahil ang layon ay ang maigawad ang hustisya sa mga biktima at katarungan sa salang pagtustos sa dugo at pawis ni Mang Juan na harimunan sa buhay.

Sa totoo lang, una nang nagpahayag ang Tserman ng QuadCom na nakitaan ng pagkakasala ang mga sumalang sa pagdinig higit sa programang bigong laban sa droga. Hindi maitago na marami ang nawalan ng buhay na hindi nadinig ang panig at humandusay sa kakalsadahan. Ang masakit maraming mga inosente ang binawian ng buhay gamit ang aparato ng pamahalaan. Sa pagpapatupad ng salang programa sa laban sa droga nagbigay pabuya si Totoy Osla sa mga tauhan ng pamahalaan (kapulisan / kasundaluhan) gayung sala ang pagpapatupad ng batas sa maraming biktima ng EJK. Sa totoo lang, nariyan ang mga pagtaas sa ranggo ng maraming tagapagpaganap ng bigong laban sa droga na patuloy na tumatanggap ng sahod sa pamahalaan.

Sa pahayag ng Tserman ng QuadCom nasa kamay ng ehekutibo higit ni Jun Singhot na simulan ang pagpapalalim ng pag-uusisa sa mga salang gawa ng mga mangmang ng kaTimugan higit nina Totoy Osla at Inday Siba ayon sa mga salang nagawa. Alisin sa isip na may tamang personalan ang pagbibigay ng hustisya sa mga biktima at paglustay sa salaping bayan na itinago sa ngalan ng programa. Batid na hindi napunta sa tamang pinag-uukulan ang salaping bayan na tulad ng bangit sa itaas na nagsilang kay Mary Grace Piattos. Ang paggawad ng katarungan ang inaasahan sa iyo Jun Singhot sa ngalan ng sinumpaang tungkulin na pagbibigay katarungan sa lahat ano man ang kalagayan sa buhay,

Ang paharapin sa hustisya ang sinuman ang tamang magagawa ng punong tagapagpaganap sa mga biktima ng EJK at sa bayan na tahasang nilapastangan ang karapatan sa serbisyong dapat nakamtan. At sa totoo lang, mainam na paharapin sa husgado ang mga nasalang sa pag-uusisa ng QuadCom na tuwirang pagkilala sa karapatan kahit silip ang sala ng mga inaakusahan. Ang mapalabas ang katotohanan sa likod ng mahabang usapan ang layon ng katarungan para sa lahat. Ang mapawalang sala’y ‘di inaalis ngunit ang mahain ang tamang hatol sa may sala ang rurok ng katarungan para sa bayan.



Umaasa na sa madaling panahon, magpapasya ang punong ehekutibo ng paghahain ng mga kaukulang kaso sa mga mangmang ng kaTimugan na magbibigay daan sa katarungan. Hindi inaasahan na sasala ang ehekutibo sa larangang bangit sa likod ng pagiging malambot ni Jun Singhot sa pagharap sa mga mangmang ng kaTimugan. Ang salang gawa sa nakaraan ang basehan ng pasya na panagutin ang mga may sala sa hukuman ng katarungan. Ang kilos ng mangmang ng kaTimugan sa mga nakaraang araw ay sapat na magpasya Jun Singhot sa pagsasampa ng kaukulang usapin sa hukuman. Tunay na nakasama sa nakaraan ang mga mang mang ng kaTimugan ngunit may sinumpaang tungkulin higit sa bayan na pananagutin ang sino mang may sala sa bayan. Huwag sayangin ang oras, pagod at husay ng QuadCom, tapatan ng diskarteng ‘di talo ang panguluhan higit ang bayan.

Maraming Salamat po!!!!