Advertisers

Advertisers

TODAs, lumiit ang kita dahil sa pagdami ng MC taxi

0 14

Advertisers

Masyado na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle driver. Iyong dati nilang naiuuwing kita mula sa maghapon na pamamasada ay P300.00 na lang kompara sa dating kita na P700 kada araw.

Napakalaki na nga ang nawala sa mga driver -P400.00 kada araw o P2,400.00 kada linggo. E ang mga operaytor, apektado kaya?

Ang dahilan ba ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo? Marahil isa ito sa dahilan dahil sa hindi naman sila tulad ng mga pampasaherong jeep/bus na may mga nangyayaring paggalaw sa pangingil nila ng pasahe base sa kautusan ng Land Transportation Franchising regulatory Board (LTFRB).



Samantalang ang mga tricycle, ang lokal na pamahalaan ang magdedesisyon kung magtataas ang mga ito ng pamasahe sa pamamaghitan ng Tricycle Regulatory Unit (TRU).

Batid natin ang situwasyon ng mga driver na nasa ilalim ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) nang maglabas ng kanilang karaingan ang grupo sa pamamagitan ng National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines ( NACTODAP).

Tinukoy ng grupo na ang isa ngayon sa pangunahing nakakaapekto sa kita ng mga tricycle driver ay ang patuloy na pagdami ng motorcycle taxi sa bansa partikular na sa Metro Manila.

Ayon kay Ariel Lim , national president ng NACTODAP, dahil sa patuloy na pagdami ng MC Taxi ay nasa P300 na lamang kada araw ang naiiuwing kita ng bawat tricycle driver na sobrang baba sa dating kita na P700 kada araw.

Anang opisyal, dahil sa patuloy na pagdami ng MC taxi, marami nang galit sa kanilang hanay laluna ang pagdagdag din ng LTFRB sa mga MC Taxi company sa Region 3 at Region 4A.



Panawagan ng grupo sa LTFRB na tigilan na ang pagdaragdag ng MC Taxi sa bansa at sa halip, konsultahin muna ang iba’t- ibang stakeholders tulad ng NACTODAP bago magdesisyon na magdagdag pa ng MC taxi sa ibat ibang bahagi ng bansa.

Hinikayat din ni Atty Jopet Sison, founding Chairman ng QC Tricycle Franchising Board, ang pamahalaan na magkaroon ng National Transport Plan upang maging maayos ang sistema sa usapin ng mga MC taxis sa bansa.

Nilinaw naman ng abogado na hindi naman sila tutol sa pagkaroon ng MC taxi sa bansa dahil malaking tulong din ito sa mga mananakay kung saan, napapabilis ang kanilang biyahe o marating ng mas mabilis ang kanilang destyinasyon pero dapat munang iregulate ng LTFRB ang mga MC taxi.

Pero sa kabila pa rin ng lahat – mababa/bumama ang kita kada araw, walang planong humingi ang mga TODA ng taas singil pasahe sa LGUs dahil ang maaapektuhan lamang nito ay ang mga karaniwang manggagawa na may mababa ding sahod.

Nagbabala naman si Lim na kung hindi mapipigilan ang LTFRB sa pagpapadami ng MC taxi , malamang na lumabas na rin sa mga lasangan ang maliliit na driver at operator ng pampasaherong tricycle para kalampagin ang Malakanyang na aksyonan ang kanilang karaingan.