Advertisers
Ni ROMEL GONZALES
SEPTEMBER 5 ng kasalukuyang taon ay nanalo si Arjo Atayde bilang Best Lead Actor in a TV Program sa ContentAsia Awards 2024 para sa mahusay niyang pagganap bilang Anton dela Rosa sa Cattleya Killer.
Ginanap ang nabanggit na awards ceremony sa Taipei, Taiwan.
Ang Cattleya Killer ay isang ABS-CBN International Productions series na produced ng ABS-CBN Studios at ng Nathan Studios.
Ang pinuno ng Nathan Studios ay ang aktres na si Sylvia Samchez, na ina ni Arjo.
Tinanong si Sylvia kung ano ang masasabi niya na si Arjo ay patuloy na umaani ng mga acting award.
Lahad ng aktres, “Alam mo, nung nanalo siya, parang… wala na akong masabi, wala na akong… Thank you Lord na lang, kasi di ba, dito sa Pilipinas pag na-nominate siya, nananalo din siya. Lagi yun.
“Tapos ngayon, abroad naman siya nananalo, so parang… Thank you Lord na lang. At saka abroad yun, at saka hindi lang siya isang beses, dalawa na, tapos lalaban na naman siya ulit. Parang, ‘Oh my God’.”
Inasahan o inakala ba niya noong batang paslit pa lamang si Arjo na darating ang araw ay magiging mahusay itong artista?
“Hindi,” bulalas ni Sylvia. “Alam mo yun, alam mo yun. Hindi ko… kinukulit niya ako nung bata pa siya, alam niyo yun, alam niyo yan, kayo mga barkada ko e,” pagtukoy ni Sylvia sa sumulat ng artikulong ito.
“Elementary pa siya, grade school pa siya, gusto niya mag-artista. Hindi ko siya pinapayagan, kasi gusto ko nga siya mag-aral.
“Tapusin niya, maging businessman siya, pag naging businessman na siya, kung gusto niya mag-showbiz, e di why not?
“E kaso wala e, gusto niya talaga e, calling niya talaga. So hindi ko… marami nga nagtatanong, na sabi nila, bakit pinush ko yung bata?
“Never ko pinush yun. Ako pa nga yung nag-i-stop na mag-artista, pero talagang wala, e. Kailangan kong pakawalan, kasi nagwawala na siya nung high school, e. “Hindi na niya maintindihan, ‘Ba’t hindi mo ako pinapayagang mag-artista?’
‘Nag-artista ka naman’, sabi ko, nung grade school siya, ‘Pagka-graduate mo ng grade school.’
“Tapos nung pagka-graduate niya ng grade school, sabi, ‘Naka-graduate na ako, o artista na ako!’
“Sabi ko, ‘Hindi, kasi high school, kasi padre de familia ka’, after nung high school, sinabi ko naman, after ng college, hindi na mapigilan, e.”
At ngayon, kapag nakikita niyang tumatanggap ng acting trophy si Arjo, ano’ng nararamdaman ni Sylvia?
“Parang ano, na ganun na lang, wala na akong masabi,” pakli ni Sylvia.
“Alam mo yung parang, ‘Shit, galing sa tiyan ko ‘to!’
“Yung hindi ako makapaniwala, na tuwang-tuwa, na proud, na… yung ganun. Basta pag nagpo-post na nga lang ako, ‘Proud’, ganun na lang.
“Kasi wala na e, wala na akong… nakakatuwa sobra.”
At ano ang reaksyon ni Sylvia kapag sinasabing, ‘E magaling iyan, mana sa nanay’?
“Mas magaling siya sa… okay, ganito, nagmana sa akin si Arjo sa acting, pero alam ko, mas…nagmana siya, pero mas magaling ‘tong batang ‘to.”
Bakit niya nasabi?
“Nung umpisa akong naging artista, pinapaiyak ako ni Mother Lily [Monteverde ng regal Films], ngumingiwi na mukha ko, hindi pa rin ako… ha! ha! ha!
“I mean, nandun na yung talent, nandun na, pero, yung ginawang record ni Arjo, pagpasok na parang ha?”
Na mahusay agad na aKtor.
“Oo. Bakit ganun? E ako nakailang years ako natutong umiyak. Natutong… natuto ng mga kung anong dapat gawin.
“Si Arjo, pagpasok talagang, ‘Oh wow!’
“Ang galing niya, aktor kaagad,” sambit ni Sylvia.
“ Ako kasi, nahasa e, may talent na, nandun na, innate na yun, pero ilang taong kong pinag-aralan.
“Ito kasi,” pagtukoy pa ni Sylvia kay Arjo, “pagpasok parang nakakagulat, parang, wow!”
Pagbibidahan ni Arjo ang entry ng Nathan Studios na pelikulang Topakk sa 50th Metro Manila Film Festival na gaganapin simula sa Disyembre 25.
Sa direksyon ni Richard Somes, kasama ni Arjo sa Topakk sina Julia Montes, Sid Lucero, Enchong Dee at marami pang iba.