Advertisers
MISTULANG kabuteng nagsulputan ngayong kapaskuhan ang mga sugal lupa sa metro manila.
Nakapaglatag ng peryang may sugal tulad ng “color games at drop ball baraha” sa Banawe St. corner Retiro St. Quezon City at Santa Quiteria Road Caloocan City ang mga bigtime na dayong iligalista at naiisingit umano ng mga ito ang simpleng pagtutulak ng shabu?
Wala pala talagang takot itong mga bigtime na gambling operator sa mga awtoridad.
Lantaran ang paggawa ng iligal dahil alaga umano ng mga ito sa intelihensya at goodwill ang ilang tiwaling matataas na opisyal ng Northern Police District (NPD) at Quezon City Police District (QCPD).
Saan nga palang lupalop galing ang mga may ari ng mga pasugalang ito na nagpapasabog ng lagim sa areas of responsibility nina NPD Acting Director PCol Josefino Ligan at QCPD Director PBGen Melecio Buslig.
Ayon sa reklamo, ipinagyayabang umano ng mga gambling operator na Elmer at Baby na super bagyo sila sa Camp Tomas Karingal at Northern Police District dahil binubundat umano nila ang masisibang opisyal sa goodwill at weekly payola.
Magkano naman kaya nabili ng mga bigtime na damuhong gambling operator ang tsapa nina Buslig at Ligan at paano nakakalusot sa kanila ang gabi-gabing sugal sa mga nabanggit na lugar.
Hindi lang pala mayabang itong mga dayong bigtime na sugal lupa operator, matabil at madaldal din pala.
Marami ng pamilyang nasira at mga kabataan ang nabiktima ng pwesto pijong pergalan (perya-sugalan) na humihigop sa perang pinaghirapan ng mamamayan na mistulang hinoholdap ang mga mananaya.
Kumbaga, sinusulit ng mga nabanggit na gambling operator ang hinahatag nilang “goodwill” at “lingguhang payola” sa ilang matataas na opisyal ng kapulisan.
Sinabi ng ilang concern citizen sa mga Barangay officials pa lamang ay umabot na diumano sa kalahating MILYONG piso ang timbre bukod pa sa PNP at NBI.
Eh yung sa bentahan ng droga sa kanilang mga pergalan,magkano naman kaya ang kinikita ng mga gambling operator?
Kung ganitong sa sugal lupa at droga ang source of income ng PNP, may dahilan nang nerbiyosin dito sina Mayor Joy Belmonte at Mayor Along Malapitan?
Hindi imposible na magiging “sin city” ang dalawang lungsod kapag patuloy na magsasawalang kibo at walang gagawing aksyon dito sina Gen. Buslig at Col Ligan?
Dapat paimbestigahan din ni Philippine National Police (PNP) Chief, Rommel Francisco Marbil at Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla at ang pambabastos at paglapastangan sa PD 1602 at RA 9287.
Ayon kasi sa mga taga Caloocan at QC mismong mga tagapagpatupad ng batas ang bumabalewala at bumababoy sa batas na ito.
Pakiwari nila parang walang gobyerno na sumasaway rito.
Subaybayan natin!
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.