Advertisers
ISANG bangkay ng babaeng tsinap-chop at sinunog ang natagpuan sa Sitio Centro, Barangay Barualte, San Juan, Batangas, Lunes ng gabi.
Sa inisyal na imbestigasyon ng San Juan Municipal Police Station, sinasabing 11:00 ng gabi nang matuklasan nina Archangel Armamento Patal, 45 anyos, at ng kanyang live-in partner ang sunog na mga bahagi ng katawan ng hindi nila nakikilalang biktima sa pagawaan nila ng uling, malapit sa kanilang bahay.
Matapos ang masusing pagsusuri ng mga imbestigador, nalaman na ang biktima ay isang 32-anyos na babae na kinilalang si Mary Jane de los Reyes, isang PWD.
Ang katawan ng biktima ay brutal na pinutol-putol, pinugutan ng ulo, hiwa-hiwalay ang katawan at mga binti at isinama sa ginagawang uling mula sa kahoy.
Sa pag-iimbestiga ng pulisya, lumutang ang impormasyon na si Patal at ang kanyang live-in partner din ang pangunahing suspek sa krimen.
Lumalabas na ang biktima ay testigo sa isang dating kaso ng pamamaril na kinasangkutan ng suspek laban sa isa nitong nakaalitan sa kanilang barangay.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen.