Advertisers
Kamakailan ay kinansela ng Comelec ang certificate of candidacy ni Marikina Mayor Marcy Teodoro, na nagnanais naman ngayong tumakbo bilang Kongresista ng Unang Distrito ng Marikina sa 2025 local elections. Batay sa pagsusuri ng Comelec, nagpanggap lamang si Mayor Teodoro na siya ay legal na residente ng Unang Distrito. Napatunayang hindi siya lehitimong naninirahan sa nasabing distrito nang aabot ng isang taon man lang.
Ang desisyong ito ng Comelec ay nagtataguyod sa isang batayang prinsipyo ng ating demokratikong pamamahala: na ang mga halál na pinuno ay dapat na lehitimong residente ng lugar na kanilang hinahangad na katawanin bilang lider.
Mahalaga ang desisyon ng ito ng Comelec upang mabigo ang pagtatanggka ng ibang politiko na ikutan ang batas, at tumakbo sa mga lugar na hindi sila residente. Isa sa pinakamalalang kaso ang pagtakbo ni dating Taguig Mayor Lino S. Cayetano bilang Kongresista.
Sa mga tumututok sa politika sa Taguig, si Direk Lino ay naging Barangay Chairman, Congressman, at Mayor na mula sa barangay Fort Bonifacio, District 2.
Nitong nakaraang Oktubre, ginulat ni Direk Lino ang buong Taguig nang magsampa siya ng kandidatura bilang Kongresista sa Unang Distrito ng Taguig at Pateros. Hindi malaman ng mga Taguigeño kung saan sa Unang Distrito siya nanirahan. Sa kanyang halos araw araw na posts, panay sa mga mararangyang condo niya sa BGC siya nag-vivideo kasama ng kanyang asawa at mga anak. Gayundin, ipinapakita niya sa face book page niya na sa mga magaganda at modernong pasyalan ng BGC siya gumagala. At sa 2023 Barangay and SK Elections (BSKE), bomoto siya sa Barangay Fort Bonifacio.
Inihayag ni Direk na siya umano ay residente ng Accord Street, Pacific Residences, Barangay Ususan, District 1. Nawindang ang mga Taguigeño sa kanyang deklarasyong ito. Sa mahigit isang taong nakalipas, ni isang post sa facebook ay wala siyang kuha sa Pacific Residences. Meron man siyang inuupahang unit sa Pacific Residences, ginagamit daw ito ng kanyang mga tauhan bilang opisina o tambayan. Nagpatunay ang maraming residente ng Pacific Residences na hindi nila nakikita si Direk Lino sa kanilang village. Ang Barangay Chairman ng Ususan ay nagpatunay rin na hindi residente ng kanilang barangay si Direk, samantalang pinanindigan ng Barangay Chairman ng Fort Bonifacio na nananatiling residente ng kanilang barangay si Direk kung saan may ilang condo siyang tinitirahan.
Dahil sa anomalya ng kanyang inaangking bagong tirahan, nagpetisyon ang ilang tunay na residente ng District 1 na tutulan ang tangkang paglipat ni Direk ng kanyang rehistrasyon bilang botante. Nagsumite sila ng maraming ebidensiya kabilang ang testigo ng mga saksi at mga dokumento pati na FB posts. Sa panig ni Direk, sa halip na itatwa ang mga ebidensiyang ito, nagsumite siya ng kaduda-dudang sublease contract at salaysay ng mga taong ni hindi makapagpakita ng government-issued ID na sila ay residente ng Barangay Ususan.
Hindi nakapagtatakang pinaboran ang petisyon laban kay Direk, at tinanggihan ng Election Registration Board (ERB) ang pagtatangka niyang lumipat ng rehistrasyon bilang botante. Sinabi ng ERB na walang patunay si Direk na aktuwal at pisikal siyang lumipat sa barangay Ususan, at wala rin siyang malinaw na intensiyon na lisanin ang Barangay Fort Bonifacio bilang kanyang residence.
Pero ang pinakamatinding ebidensya laban kay Direk ay nagmula mismo sa kanya. Ang unit na umano’y tinitirahan ni Direk ay nasa Almond St., hindi sa Accord Street na siyang alegasyon niya. Hindi pala alam ni Direk Lino ang sarili niyang kalye kahit sinasabi nyang matagal na syang naninirahan dito. Ito ang nakita ng mga tauhan ng ERB na nag-ocular sa lugar upang mapawi ang anomang duda. Nakompirma pa ito sa record ng Comelec, na nagpapatunay na maliban kay Direk walang mga botante sa Pacific Residences na naglalagay ng kanilang address ng Accord St. Lahat ay Almond St. ang ginagamit.
Dahil sa desisyong ito ng ERB na ibasura ang transfer of voter registration ni Direk, at sa desisyon ng Comelec sa kaso ni Mayor Teodoro ng Marikina, maaasahan nating ikakansela rin ng Comelec ang certificate of candidacy ni Direk. Ang pagpapanggap na na residente ng barangay Ususan, gayong hindi siya nanninirahan dito at nananatili siyang residente ng Fort Bonifacio, ay isang “misrepresentation on a material matter” at dahilan upang kanselahin ang kandidatura.
Malaking kahihiyan ito kung sakaling mangyari. Makokompirma na nililinlang ni Direk ang mga Taguieño, at hindi niya nirerespeto ang pag-iisip ng mga mamamayan ng lungsod.
Kung tutuusin, batid ng mga Taguigeño ang panlolokong ito. Kaya sa mga survey sa mga botante, lamang sa kanya si Congresman Ading Cruz. Hindi umuubra ang mga drama ni Direk na mahal niya ang Unang Distrito kasama na ang Pateros na ngayon lamang niya nababanggit. Nagpo-post na rin siya ngayon ng mga litrato ng kanyang mga anak na ngalalaro ng ping pong sa isang pampublikong palaruan sa Pateros. Pathetic ang kanyang drama. Halatang halata ang kanyang motibo. Para lamang makatakbo sa distrito na hindi naman siya residente, nag-imbento siya ng tirahan sa sa isang middle class village na madalang na madalang niya noong puntahan. Para lamang sa ambisyon, nag-down grade kunyari ng lifestyle. Kung noon ay sa mga sosyaling cafes siya tumatambay, ngayon ay ginagalugad niya ang mga pangmasang kapehan.
Maiisip mo tuloy kung ang ano tunay na layunin ni Direk sa pagtakbo sa First District. Bagaman hayagan niyang kakampi si Congresswoman Pammy Zamora na lumihis na sa bisyon ng “Transformative, Lively, and Caring City”, nagkukunwari pa si Direk na sinusuportahan ang mga programa ng adminisitrasyon ni Mayor Lani Cayetano. Paano ito mapaniniwalaan? Kung talagang sumusuporta siya sa administrasyon ni Mayor Lani, ang dapat niyang tinakbuhan sana ay ang Ikalawang Distrito na kung saan siya lehitimong residente at botante. Subalit hindi niya babanggain ang kanyang ka-alyado na si Cong. Pammy, kung kaya sa Unang Distrito niya sinusubukang tumakbo. Tandem sila ni Cong. Pammy, at mahihinuha nating ang kanilang layunin ay pagtulungan later si Mayor Lani.
Sagrado ang ating mga halalan, at tanging mga lehitimong residente lamang ang pinapayagang mamuno sa kanilang nasasakupan. Hindi dapat sinasalaula ang ating eleksiyon.
Hindi pa naman huli ang lahat para kay Direk. Maiiwasan niya ang diskwalipisyon sa pamamagitan ng pagbawi ng kanyang kandidatura. Hindi dapat ikahiya ang pagbalik sa katinuan. Pinagpapala ang magpakumbaba. Kung patuloy siyang magmatigas ng ulo at magmataas, maaasahan niyang bagyo ang kanyang aanihin sa araw ng halalan.