Advertisers
TUMANGGI muna magbigay ng pahayag ang Palasyo ng Malakanyang kaugnay sa “Pardon” na posibleng ibibigay sa Pinay drug mule convict na si Mary Jane Veloso.
Pahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin, sa ngayon ang prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay ang pagbabalik sa bansa ni Veloso na nakakulong sa bansang Indonesia.
Ayon kay Bersamin wala pa silang masabi hinggil sa posibleng pardon na ibibigay ng Pangulong Marcos.
“Nothing to say yet on what may happen. The priority of PBBM is to have Veloso repatriated without delay,” sabi ni ES Bersamin.
Una nang inihayag ng Department of Foreign Affairs (DOF) na ngayong Miyerkules nakatakdang dumating sa bansa si Veloso.
Ayon kay Foreign Affairs USec. Tess Lazaro, alas-12:50 ng madaling araw ng Miyerkules ang flight ni Veloso at bandang alas-6:00 ng umaga ito darating ng bansa.
Lubos naman nagpasalamat ang Pilipinas sa Indonesia hinggil sa pagpayag nito na ibigay ang kustodiya ni Veloso sa Pilipinas.
Ani Bersamin, ang pagbabalik bansa ni Veloso ay bunga ng dekada ng pag-uusap, konsultasyon at diplomasiya.
Sinabi pa ni Bersamin, ikinagagalak ng Marcos administration ang pagbabalik bansa ni Mary Jane.(Vanz Fernandez)