Advertisers
TODAS ang dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA) at narekober ang isa pang bangkay sa hot pursuit operations ng tropa ng militar laban sa komunistang grupo sa mga bayan ng Las Navas at Silvino Lubos sa Northern Samar, Biyernes ng hapon.
Sinabi ni Captain Jefferson Mariano, spokesperson ng 8th Infantry Division (ID) ng Philippine Army, 3:00 ng hapon nitong Huwebes nang makasagupa ng 19th Infantry Battalion (IB) ang grupo ng mga rebelde sa liblib na lugar sa Brgy. Victory, Las Navas.
Nagresulta ang bakbakan sa pagkamatay ng isang rebelde na inaalam pa ang pagkakakilanlan at narekober din ang isang M16 rifle na gamit ng mga ito.
Pagkaraan ng dalawang oras, muling nakasagupa ng mga sundalo ang mga rebelde sa Brgy. Geparayan de Turag, Silvino na nagresulta sa pagkamatay ng isa pang NPA member.
Pinaniniwalaan namang marami pa ang nasugatan sa hanay ng mga nagsitakas na rebelde base sa mga bakas ng dugo sa lugar na kanilang dinaanan.
Samantala, isa ring bangkay ng rebelde ang narekober mula sa pinangyarihan ng naunang sagupaan matapos abandonahin ng mga nagsitakas nilang kasamahan noong Disyembre 2 na ikinasawi ng anim na rebelde kabilang ang dalawang high ranking na li-der ng grupo.
May isa pang na-recover na bangkay na nakilala namang si Naldo Jarito, kasapi ng Eastern Visayas Regional Party Committee.
Pumalo na sa pito ang napaslang sa naunang engkuwentro.