Advertisers
PIRMADO na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang dalawang bagong batas na titiyak sa kaligtasan ng mga Pilipino at papawi sa alalahanin ng mga estudyante sa kanilang mga obligasyon sa gobyerno na naapektuhan ng mga kalamidad.
Kabilang sa mga bagong batas ang Ligtas Pinoy Centers Act at Student Loan Payment Moratorium During Disasters Emergencies Act na tumutugon sa suporta ng gobyerno sa mga pamilya at mga estudyanteng apektado ng kalamidad.
Ang Ligtas Pinoy Center Act ay pagtatatag ng evacuation centers sa buong bansa na kumpleto sa mga pangangailangan upang magbigay ng seguridad, pansamantalang kanlungan sa mga mamamayan na naapektuhan ng kalamidad.
Ayon sa Pangulo, kailangang magtatag ng mga ganitong pasilidad hindi lamang upang protektahan ang buhay ng mga tao kundi mabigyan ng kakayahan ang local government units na makatugon agad at mapangasiwaan ang mga banta ng mga kalamidad.
“We need to ensure that the evacuation centers sufficiently respond to the needs of our people affected by calamities and other such emergencies,” saad ng Pangulo.
Ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act naman ay magpapagaan sa alalahanin ng mga estudyante at mga magulang na naapektuhan ng kalamidad sa pamamagitan ng suspensyon sa pangongolekta ng student loan ng walang multa at interes.
Inatasan ng Pangulo ang Commission on Higher Education at Technical Education and Skills Development Authority na iabot ang mga kailangang tulong sa mga estudyante upang masigurong hindi maging sagabal sa kanilang pag-aaral ang usaping pinansyal.
“The benevolence of this law allows the disaster-affected students and their families to have a breathing space as they recuperate and rebuild their lives. It is our hope that this law will help lessen the financial burden off our students ‘ shoulders as they continue their schooling,” dagdag ng Pangulo. (Vanz Fernandez/Gilbert Perdez)