Advertisers
SINABI ni dating Pangulo Rodrigo Duterte nitong Lunes ng gabi, Nobyembre 25, na hindi papayagan ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte na makulong ang sarili kasunod ng kontrobersyang dulot ng kanyang “kill remark” noong Nobyembre 23 sa online press conference.
Sa interview ng media sa Davao City noong Lunes, ibinasura ni Duterte ang kontrobersiya bilang “insignificant.”
“Kay Inday, wala ‘yun. Kaya niya ‘yun. Insignificant masyado. Kahit kasuhan nila si Inday, hindi naman makulong ‘yan,” ani Duterte.
Samantala, ayon sa Department of Justice (DOJ), kabilang ang sedition, grave threat, at impeachment sa mga kasong posibleng isampa laban kay VP Sara dahil sa sinabi nito tungkol sa pagkuha ng assassin para patayin sina Pangulo Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.
NBI: Subpoena inihain sa Office of VP
OPISYAL nang inihain ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang subpoena sa Office of the Vice President nitong Martes.
Nag-aatas ang subpoena kay Vice President Sara Duterte na humarap sa Nobyembre 29, na natanggap ng isa sa kaniyang mga abogado.
Matatandaang nagbabala si VP Duterte na kumuha na siya ng assassin para patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez kung sakaling may mangyari sa kaniya.
Sinabi ng isang opisyal mula sa Presidential Security Command (PSC) noong Lunes na dinoble na ang seguridad ng Pangulo.
Nagpahayag din ang Pangulo na “papalagan” niya ang banta ng Bise Presidente na dati niyang kaalyado at running mate noong 2022.