Advertisers

Advertisers

DOH ginisa sa isyu ng rabies at snakebite

0 17

Advertisers

GINISA kahapon ni Senador Raffy Tulfo si Department of Health (DOH) Usec. Achilles Bravo makaraang maghugas-kamay sa lantarang kapabayaan ng ahensya hinggil sa daan-daang Pilipino, partikular na ang mga kabataan, na namamatay kada taon dahil sa tuklaw ng ahas at rabies mula sa kagat ng mga aso.

Una rito, Mayo 6, 2024 nang kalampagin ni Tulfo ang DOH dahil sa kakulangan ng supply ng antivenom sa bansa lalo na sa mga liblib na lugar sa mga probinsya.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Health, bumuwelta si Bravo, ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) umano ang dapat tanungin ni Tulfo at hindi siya.



Ito ay sa kabila na nasa ilalim ng pangangasiwa ng DOH ang RITM.

Ikinainit din ng ulo ni Tulfo ang tugon ni Bravo dahil tila wala nang pakialam ang katulad niyang undersecretary pa man din for Admin and Finance na dapat kasamang nagsasagawa ng quarterly meetings para masigurong ginagawa ng mga departamento ng DOH ang tungkulin nila gaya ng RITM.

Partikular kasing ikinaalarma ni Tulfo ang pataas nang pataas na mortality rate ng snakebites at rabies kahit na maaari sana itong maiiwasan at malulunasan kung ginagawa lamang ng DOH ang trabaho nito.

Tulad na lamang ng nakapanlulumong kaso aniya ni Rex Lumayag, 17-anyos, na natuklaw ng King Cobra noong September 2023 sa Davao at walong araw na naghingalo at na-comatose sa Davao Regional Medical Center (DRMC) na dapat sana ay naagapan ng antivenom. Ang masaklap, kuwento ng kaanak, nang ineksyunan umano ito ng nurse ay sinabing “pan-testing” lang umano ang itinurok sa bata.

Dahil wala rin naisagot si Bravo nang maayos, ipinahayag na lamang ni Tulfo na maipatawag ang RITM sa susunod na pagdinig para tumugon at lubusang makapagbigay ng mga detalye at impormasyon sa mga katanungan niya ukol sa snakebites at rabies. (Mylene Alfonso)