Advertisers
POSIBLE umanong makasuhan ng plunder ang dalawang special disbursing officers (SDOs) ng Office of the Vice President (OVP) dahil sa umano’y “erroneous withdrawal” ng P125 million confidential funds ng OVP at Department of Education (DepEd), na dating pinamunuan ni Vice President Sara Duterte, dahil sa paglabag sa legal na proseso.
Sa ginanap na press conference nitong Martes, Nobyembre 26, ito ang komento ni 1-Rider Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez matapos aminin ng dalawang SDOs na sina Gina Acosta at Edward Fajarda, na ang mga security officers ni VP Sara ang kumuha ng P125 milyong confidential funds matapos nilang i-withdraw mula sa Land Bank of the Philippines (LBP) at hindi na nila batid kung saan napunta o ginastos ang pondo.
Ani Gutierrez, ito ay paglabag sa government protocols, lalo na sa Joint Memorandum Circular of 2015.
Naalarma rin si Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chairman ng House Blue Ribbon Committee, sa pag-amin nina Acosta at Fajarda sa mga paglabag dahil sila rin ay posibleng panagutin sa batas bilang mga “bonded officers.”
“Sa kanila inihabilin yung pera at sila ‘yung bonded officer,” paliwanag ni Chua.
“Ang ibig sabihin po nyon, in the event na may mangyari ‘dun sa pera, sila po ‘yung mag-reimburse. Pero ang pinag-uusapan natin dito ay hindi ordinaryong pera. We’re talking here of P612.5 million,” ayon pa kay Chua.