Advertisers
NAGPAABOT ng pasasalamat ang ama ni Mary Jane Veloso kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa pagsisikap nitong maibalik ang kanyang anak sa Pilipinas.
Maliban dito, pinasalamatan din ni Cesar Veloso ang pamahalaan at iba pang tumulong sa kaso ng kanyang anak na nakakulong sa Indonesia.
Una nang sinabi ni PBBM na asahan na ang pag-uwi sa bansa ni Veloso na nahatulan ng bitay dahil sa kasong drug trafficking sa Indonesia noong 2010 kung saan dito na ipagpapatuloy ng OFW ang kanyang sentensiya.
Nagpahayag din ang Punong Ehekutibo ng taos-pusong pasasalamat kay Indonesian President Prabowo Subianto at sa Indonesian government para sa kanilang kagandahang-loob.
Ayon kay Pangulong Marcos, ito’y patunay ng mas pinatibay na relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia.
Samantala, walang hininging anumang kapalit o prisoner exchange ang Indonesia, sa planong pagpapauwi kay Veloso.
Ayon kay Foreign Affairs Usec. Eduardo de Vega, ang pagpapauwi kay Veloso ay bunga ng pinaplantsang polisiya ng Indonesia sa pagpapauwi sa dayuhang bilanggo habang may batas din aniya na magiging epektibo sa 2026, kung saan isasantabi na ang parusang bitay, bukod sa ilang uri ng kaso.
Sinabi pa ng opisyal na ilang buwan na ang nakakalipas ay nag-reach out aniya ang Pilipinas sa Indonesia kaugnay sa kaso ni Veloso bilang panibagong simula ng relasyon ng dalawang bansa sa ilalim ng bagong Pangulo ng Indonesia na si President Prabowo Subianto.
Samantala, hihinikayat ng pamahalaan ang mga Pilipino na magkaisa sa panalangin upang maging matagumpay ang pagpapauwi kay Veloso. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)