Advertisers
MAY misteryo raw naganap sa nangyaring pagpalaya ng Bureau of Immigration sa 41 foreign nationals na hinuli ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) noong October 31 sa Central One Bataan, Inc. sa Bagac, Bataan dahil sa illegal online gambling.
Walang kaukulang permit ang mga banyaga. Ano ang hiwaga? May impormasyong natanggap ang inyong lingkod. Parang may inarbor ata. Ganito raw yun. Ayaw umanong pakawalan ng PAOCC ang kanilang hinuling POGO workers dahil iniimbestigahan pa.
Ang siste, hiniling daw ng mataas na opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na palayain ang mga dayo. Nubayan?
Utos ba ng makapangyarihang opisyal ng pamahalaan kay Comm. Joel Viado na dalian ang pagpapalaya sa mga nasukol?
Ayon sa ating tsutsu, nagkandarapa raw ang kume na iniutos na gawin ang “bail order” gayung ang petition for bail ay pinapanotaryuhan pa at wala pang filing fee. Bakit ganun na kabilis nagawa? Ala pang petition at hindi pa nakakabayad ng filing fee sa gobyerno ay napirmahan mo na.
Ilang BUWAN na ba sa puwesto itong si Viado pero tila sinasapawan na si Pangulong Bongbong Marcos Jr. at ang PAOCC. Naku, naku.
Hindi raw pinagbayad ng piyansa ng BI ang mga lintek dahil kapuspalad ang mga ito, Truely? Ano ba yan, Kume?
May kompanya mga yan, tapos walang pambayad ng piyansa? Isingit natin to. Bilang gratityud ni Kume sa mga nautusan sa legal division na nag-overthink, este overtime, sa paggawa ng order, nagpakain daw ang bossing. Tsalap ng tsibog mula pa sa aristokratang resto. Busog sila sa pagsunod sa utos ng hari. Masisisi mo ba sila? Pero, baka may kumita. May padulas? Kasi nga, kadalasan, may inaabot ng ilan buwan at natatabunan na ang mga papeles pero hindi naaaksyunan, tapos itong 41 illegal POGO workers ay minadali.
Ang ilan umano sa 41 na pinalaya ay mga Malaysian at Chinese na malakas ang backer sa isang mataas na opisyal ng gobyerno. Nalintikan na! Asa pa naman ang mga empleyado na may pagbabago sa bagong itinalaga ni Secretary Boying Remulla. Natanso ang karamihan. Delubyo noon, gunaw ngayon.
Mas masahol pa yata ngayon kaysa sa nagdaang BI Commissioner Norman Tansinco na sinibak ng Pangulo dahil sa katiwalian at pagtakas palabas ng bansa ni Alice Guo alyas Guo Hua Ping sa gitna ng mga alegasyon sa ugnayan nito sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).Teka! Totoo kaya na abogado itong si Kume ng dating kalaban ni PBBM? Bakit tahimik ata si Sec. Remulla na noong panahon ng nasibak na si Tansinco ay panay ngawngaw o putak sa media? Pasok na Malacañang? Mr. President, tama lang ba na pinagkatiwalaan mo si Remulla na inilagay sa puwesto itong si Viado?
Dapat imbestigahan ng Palasyo ang naging desisyon ni Kume na palayain nang libre ang 41 dayuhan. Pasingit. Gaano katotoo, mga parekoy, na nagkalat ngayon sa Cavite ang mga dayuhan, partikular ang Malaysian na club owners at nagpapatakbo ng massage spa na front lamang ng sindikato ng white slavery na nambibiktima ng mga kabataang babae? May pag-asa bang mabago pa ang matagal nang maruming kalakaran sa ahensya, na ang mga ordinaryong empleyado ay umaasa na ang mamumuno dito ang may malasakit para malinis ang masamang imahe.
Nasa harapan o aali-aligid lang ang mga bulok sa pamahalaan, ngunit ayaw tingnan o tangkang hadlangan.
Samantala may impormasyon tayong nasagap mula sa Palasyo na may utos ngayon si Executive Secretary Lucas Bersamin na hulihin muli at i-deport ang 41 dayuhan na pinalaya ng BI ng libre?
Tutukan natin!
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.