Advertisers
Nasawi ang isang town councilor at sugatan ang kasama nitong barangay captain nang pagbabarilin ng dalawang armadong kalalakihan sa Barangay Telapayong, Arayat, Pampanga.
Kinilala ni Pampanga police director Colonel Jay Dimaandal ang napatay na si Federico Hipolito, kasalukuyang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Arayat at residente ng nasabing barangay.
Samantala, ang sugatang kasamahan nito na si Julito Trinidad, barangay captain ng Barangay Batasan ng nasabing bayan.
Sa ulat, namatay si Hipolito sa tama ng bala sa katawan, samantalang nakaligtas si Trinidad na tinamaan lamang ng ligaw na bala sa kaliwang kamay.
Matapos ang pamamaril agad na isinugod sa pinakamalapit na Magalang District Hospital ang mga biktima nguni’t dead on arrival na si Hipolito.
Ayon kay Dimaandal, matapos bumaba sa kanilang sasakyan na isang Toyota FJ Cruiser (AKA 9514) ang mga biktima sinalubong sila ng mga salarin at agad pinagbabaril.
Ayon sa mga saksi, agad na tumakas ang mga salarin patungo sa kalapit na bayan ng Magalang lulan ng isang motorsiklo na walang plaka matapos ang pamamaril.
Iniimbistigahan pa ng pulisya ang insidente para alamin ang motibo sa pamamaril at pagkakilanlan ng mga salarin.i