Advertisers
Nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency ang P1 million na halaga ng shabu mula sa mga armadong dealers matapos ang kanilang palitan ng putok sa isang liblib na barangay sa Wao, Lanao del Sur nitong umaga ng Miyerkules, October 30, 2024.
Sa pahayag nitong Huwebes ni Gil Cesario Castro, director ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, isang entrapment operation sana ang kanilang isasagawa sa Barangay Kili Kili East sa Wao ngunit sila ay pinaputukan ng mga kasama ng isang dealer na kanila sanang bibilhan ng shabu.
Ayon sa mga barangay officials, nakahalata ang naturang grupo, pinamumunuan ng isang nagngangalang Paulo na kilalang shabu dealer sa Wao, na mga law-enforcement agents ang bibili ng P1 million na halaga ng shabu sa kanila kaya sila agad na namaril at mabilis na tumakas.
Nakumpiska ang P1 million na halaga ng shabu na naiwan nila Paulo at kanyang mga armadong mga kasama.
Ayon kay Castro, nailatag ang naturang entrapment operation sa tulong ng mga Army units na sakop ng 103rd Infantry Brigade at mga impormanteng alam ang mga illegal na gawain ng naturang grupo.