Advertisers

Advertisers

Bahay ng negosyanteng intsik, niransak

0 5

Advertisers

I

Arestado ang 3 lalaki na sangkot sa panloloob sa bahay mga negosyanteng Chinese sa isang subdivision sa Barangay Moonwalk, Parañaque City noong Miyerkoles ng madaling araw.

Sa kuha ng CCTV 12:00 ng madaling araw, makikitang lumapit sa gate ang isa sa mga trabahador ng bahay.



Nang buksan niya ang gate, ilang sandali pa siyang nakatayo, pero nang may papasok na motorsiklo at papalapit na kotse ay tumakbo palayo ang trabahador.

Makikita rin ang isa pang trabahador na nadapa papasok ng gate. May sumunod sa kanyang apat na armadong lalaki.

May isa pang lalaki na ipinasok sa gate ang motorsiklo, habang pinapatayo ng isa ang nadapa na trabahador.

Nang buksan ang isa pang bahagi ng gate ay pumasok ang isang kotse.

Nang makapasok ang kotse ay isinara nila ang gate.



Hindi na nakunan ang sumunod na nangyari.

Ayon sa pulisya, tinangay ng mga lalaki halos P1 milyong cash sa dalawang negosyanteng Chinese pati na rin ang iba’t-ibang alahas na nagkakahalaga ng P400,000. Hindi na narekober ang pera at mga alahas.

“May kapitbahay na tumawag sa 911. Na may nangyayari pa lang robbery incident dito sa bahay na ito. Kung hindi pa tumawag ang kapitbahay na may commotion, hindi pala nila malalaman na may robbery na nangyayari sa bahay na ito,” ani PMaj. Hazel Asilo, tagapagsalita ng Southern Police District (SPD).  

“After nila makapasok sa parking, tinutukan nila ng baril yung tatlong tauhan nitong mga Chinese at dinuct-tape ang kanilang mga kamay. Pumunta naman sila sa quarters ng mga driver kung saan nila nakita ang close-in, security guard. Ganoon din, itinali nila,” dagdag ni PMaj. Asilo. 

“Tapos umakyat sila ng second floor kung saan nandoon ang kuwarto, yung master’s bedroom at nakita nila doon ang ating isang victim. At gunpoint, pinapunta sa kuwarto kung nasaan ang vault. Pinabuksan sa kanya at nilimas ang laman.”

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, kasabwat umano ng mga suspek ang ilang trabahador ng mga negosyante. Ayon kay ni PMaj. Asilo, ang tatlong naaresto ay tauhan ng mga negosyante kabilang ang lalaking nakita sa cctv na nagbukas ng gate.

“Alam nila ang pasikot-sikot sa bahay, alam nila kung kailan papasok, anong oras papasok kumbaga inside job ang nangyari,” sabi niya.

“Anim na suspek ang pumasok, lahat sila armado. Alam nila kung saan nila pupuntahan, kung saang kuwarto nandoon yung vault… Alam niya yung pasikot-sikot ng bahay,” aniya.

Base sa record ng Southern Police District, hindi ito ang unang beses na nanakawan ang isa sa mga biktima kung saan P30 million ang nalimas sa kanya sa Binondo, Maynila noong August 2024.

Mismong isa sa mga suspek ang sangkot sa kaparehong krimen at nag-recruit umano ng mga tauhan ng negosyante para magkaroon ng kasabwat sa loob ng bahay.

“Hindi siya nag-file ng complaint. Itong mga taong ito, na-realize nila… hindi nagpa-file ng kaso… so puwede nating ulitin. So inulit nila ngayon ‘yung ginawa nilang pangho-holdup,” sabi ni PMaj. Asilo.  

Ayon sa barangay, ilang beses nang may nakawan sa subdivision kung saan target ang mga Chinese.

“Marami nang nakawan diyan… hindi lang siguro mga anim na robbery diyan,” sabi ni Dave Mark Ramos, deputy ex-o ng Barangay Moonwalk.

“Laging mga Chinese ang nilolooban diyan, kagaya rin niyan, sa kanila binubuksan ang vault, sa kanila, kinukuha mismo ‘yung vault,” dagdag ni Ramos.

Pinaghahanap na ng pulisya ang iba pang kasabwat ng mga suspek, kung saan ang tumatayong lider ay miyembro umano ng organisadong grupo ng mga kriminal.

Sinusubukan pang kunan ng pahayag ang mga suspek, na nahaharap sa reklamong paglabag sa Article 296 ng Revised Penal Code o robbery in band.

Kasalukuyan nakakulong sa Parañaque Police Headquarters ang mga suspek.