Advertisers
Tinangka umanong manuhol ang supervisor ng 17 Chinese nationals na inaresto dahil sa scam operations para sa kanilang paglaya, sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago noong Miyerkules.
Ayon kay Santiago, ang mga ahente ng NBI inalok ng halagang P300,000 bawat indibidwal, na umaabot sa P5.1 milyon, habang ibinabyahe ang mga suspek na naaresto sa scam hub sa Parañaque.
“Tatawag daw siya ng abugado, so pinayagan siyang tumawag. It turned out na ang tinatawagan niya ‘yung mas bossing pa nila at ‘yun nga nag o-offer na ma-release itong 17 tao sa halagang… P300,000 each,” sabi ni Santiago .
Dahil dito, sinabi ni Santiago na nagsagawa ang NBI ng entrapment operation at nagkunway pumapayag sa deal ng supervisor kung saan nagdala ng P1.5 milyon para sa unang batch.
Ayon kay Santiago, sa entrapment operation, minatyagan ang gamit na sasakyan upang makuha ang suspek at pinayagan din itong makapasok ng compound ng NBI kung saan nagkaroon ng maayos na entrapment at naaresto ang supervisor.
Sinabi ni Santiago na lahat ng 18 foreigners kabilang ang supervisor ay sumailalim na sa inquest.(Jocelyn Domenden)