Advertisers

Advertisers

Lalaki, ilang oras kumapit sa puno para ‘di maanod ng baha sa CamSur

0 3

Advertisers

Nahuli-cam ang isang lalaki na ilang oras nakakapit sa isang puno habang lubog sa rumaragasang baha ang lugar na kaniyang kinaroroonan sa Nabua, Camarines Sur.

Inihayag ng uploader ng video na umaga nitong Miyerkoles nang makita nila ang lalaki na nakakapit sa puno para hindi matangay ng baha.



Hindi umano basta makalapit ang mga residente para tulungan ang lalaki dahil na rin sa lakas ng agos ng baha.

Nang sumapit ang tanghali, hindi pa rin nasasaklolohan ang lalaki na hindi naman bumibitaw sa puno.

Bago mag-2:00 ng hapon, ilang lalaki na nakasakay sa bangka ang dumating sa lugar. Pero hindi naging madali ang paglapit nila sa lalaki dahil sa lakas pa rin ng agos.

Inabot pa umano ng 30 minuto bago nila nakuha ang lalaki at dinala sa ligtas na lugar.

Ang pagbaha sa Nabua, dulot din ng lakas ng bagyong Kristine na nagpalubog sa baha sa maraming lugar sa Bicol Region.