Advertisers
HAHARANGIN ng Department of Justice (DOJ) ang plano ni dismissed Bamban Tarlac Mayor Alice na maghain ng Certificate of Candidacy para sa muling pagtakbo nito sa kanyang bayan.
Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang naturang plano para harangin na muling makatakbo ang dating opisyal sa pagka-alkalde.
Una nang kinumpirma ng kampo ni Alice Guo sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Stephen David na maghahain ang kanyang kliyente ng COC ngayong linggo.
Giit ng kampo ni Guo, wala pang pinal na desisyon ang korte sa citizenship ng kanilang kliyente kaya’t pwede pa itong tumakbo.
Samantala, naniniwala si Remulla na wala nang karapatan si Alice Guo na humiling ng re-election.
Una nang nadawit ang pangalan ni Guo sa ilegal na operasyon ng POGO sa kanyang bayan at sinasabing siya ay espiya ng China.
Patuloy namang itinatanggi ni Guo ang pagkakadawit nito sa ilegal na operasyon ng POGO at pagiging spy umano ng China.
Ayon naman sa Commission on Elections (Comelec), posibleng ma-disqualified sa kaniyang mayoralty bid si Guo, pwera na lamang kung makakakuha ito ng temporary restraining order (TRO).
Pahayag ng Comelec tatanggapin pa rin nila ang certificate of candidacy ni Guo.
Sinabi naman ni Comelec Chairman George Garcia mayroong mga grounds para sa disqualification.
Kabilang sa mga tinukoy na grounds for disqualification ay ang pagdeklara na nuisance candidate, petition seeking to cancel the COC dahil sa edad at citizenship, at ang Ombudman’s decision na nag-impose ng perpetual disqualification from holding public office.
Nauna nang sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na walang kapangyarihan ang poll body na awtomatikong kanselahin ang COC ni Guo dahil umaasa sila sa desisyon ng Ombudsman.