Advertisers
Isang bahay ang pinasok ng salarin kung saan ginahasa ang 17-anyos na babae, at pinatay ang kasama niyang stepmother na 44-anyos sa Sara, Iloilo.
Sa ulat, duguan at wala nang buhay nang makita ang nakatatandang biktima sa bahay nito sa Barangay Arante.
May matinding sugat sa ulo ang biktima, at may nakitang kahoy na may bahid ng dugo sa pinangyarihan ng krimen.
Ayon sa kapatid ng nasawi, nagpunta sa kaniya ang 17-anyos na pamangkin 2:00 at ipinaalam ang sinapit ng biktimang nasawi.
Paniwala ng kapatid, ang stepdaughter talaga ang pakay ng salarin dahil itinapon naman ang cellphone na kinuha nito mula sa bahay.
Ayon sa pulisya, sinabi ng 17-anyos na biktima na ginahasa siya kaya isasailalim ang dalagita sa medical examination.
Lumalabas sa imbestigasyon na sa bintana ng bahay dumaan ang suspek para makapasok sa bahay.
Ginalaw pa umano ng suspek ang CCTV camera para ibaling sa ibang lugar.
May person-of-interest na ang pulisya pero patuloy pa ang kanilang imbestigasyon para matiyak kung may kinalaman ito sa nangyaring krimen.