Advertisers
NAKAKUHA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng 50 porsiyento sa pinakabagong survey ng Pulse Asia sa pagganap at pagiging mapagkakatiwalaan ng mga matataas na opisyal ng gobyerno ng bansa, na inilabas noong Lunes ng gabi.
Sa isinagawang survey, mula Setyembre 6 hanggang 13, 2024 ay nagpahiwatig na ang approval at trust scores ni Marcos ay nasa 50 percent.
Samantala, bumaba ng 9 percentage points ang approval ni Vice President Sara Duterte, habang bumaba ng 10 percentage points ang kanyang trust rating.
Mas mababa ng 3 puntos ang satisfaction rating ng Pangulo noong Setyembre kaysa sa 53 percent noong Hunyo.
Napag-alaman sa survey noong Setyembre na 29 porsiyento ng mga respondents ang hindi nakapagdesisyon at 21 porsiyento ang hindi nasisiyahan sa pagganap ni Marcos.
Bahagyang bumaba rin ng 2 puntos ang trust score ng Pangulo noong Setyembre mula sa 52 percent na naitala noong Hunyo.
Lumabas sa survey na 22 percent ng mga respondents ang may kaunti o walang tiwala sa Presidente, habang 28 percent ang undecided.
Sa mga geograpikal na lugar, nakuha ng Pangulo ang pinakamataas na satisfaction rating sa Balance Luzon sa 61 porsiyento, na sinundan ng Metro Manila at Visayas na parehong nasa 52 porsiyento.
Nakuha niya ang pinakamababang marka sa Mindanao sa 26 porsiyento.
Pinakamataas ang trust rating ni Pangulong Marcos sa Balance Luzon sa 64 percent, habang ang pinakamababa ay naitala sa Mindanao sa 21 percent.
Ang pag-apruba at trust rating ni Marcos ay pinakamataas sa Class D income bracket na parehong nasa 52 porsyento.
Ang pag-apruba ni Duterte ay bumaba mula 69 porsiyento noong Hunyo hanggang 60 porsiyento noong Setyembre, habang ang kanyang trust rating ay bumaba mula 71 porsiyento hanggang 61 porsiyento. (Vanz Fernandez)