Advertisers
ANG Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa pakikipagtulungan ng Office for Transportation Security (OTS) ay naglabas ng warrant of seizure at forfeiture laban sa isang Australian departing passenger matapos magdala ng hindi idineklarang halaga na Php 5,195,000.00 na inilagay niya sa kanyang hand carry bag noong Lunes, Setyembre 23,2024 habang patungo sa Narita, Japan
Sa kanyang report kay BOC-Port of NAIA District Collector Atty. Yasmin O Mapa, sinabi ni deputy collector for Passengers Services Mark Almase na nabigo ang Australian national na si Shorsh Sinjawi na makakuha ng permit o clearance mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) makaarang madiskubre sa kanyang pag-iingat ang milyon-milyong pisong halaga ng Philippine peso, bago pa siya umalis patungong Japan.
Si Sinjawi ay pasahero ng PAL flight PR 432 kung saan pagdating nito sa final security checkpoint ay bumungad sa pamamagitan ng x-ray machine ang larawan ng bulto-bultong pera na nakita sa handcarry bag nito.
Ayon kay Almase, ang Customs Memorandum Circular 89-2022-implementation of Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Circular No. 1146 Series of 2022-Amendments to the Rules on Cross-Border Transfer of Local and Foreign Currencies , ang sinumang pasahero na magdadala ng mahigit P50,000 ay dapat makakuha ng clearance sa Central Bank of the Philippines.
Ang mga papasok at papalabas na pasahero ay pinahihintulutan lamang na magdala ng P50,000 pesos na labis ay dapat magkaroon ng BSP clearance. Ang mga papasok at papalabas na pasahero ay pinapayagang magdala at maglabas ng bansa ng hanggang USD10,000 o katumbas ng iba pang foreign currency. (JOJO SADIWA)