Advertisers
Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang Parents Againts Vape (PAV) hinggil sa ilang mga opisyal ng gobyerno partikular ang kanilang pagtanggap at pag-promote ng mga mobile clinic na donasyon ng industriya ng tabako na kinatawan ng PMFTC, Inc.
Sinabi ng Parents Againts Vape na ang pampublikong pagpapakita ng naturang pag-endorso ng mga donasyon ay nagbabadya ng mga seryosong ethical, legal at health related issues.
“The actions of these government officials and the accompanying display of support could be construed as a blatant endorsement of an industry that is known for its detrimental health effects,” sabi ng grupo.
Iginiit ng grupo na lubhang nakakabahala ang mga endorsement para sa mga posibleng paglabag sa Republic Act 9211 o ang Tobacco Regiulation law of 2003 na nag-re-regulate ng tobacco advertising, promotion at sponsorship upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko.
Sinabi ng PAV, na sa pag-endorso ng donasyon mula sa Philip Morries Fortune Tobacco Corp. (PMFTC), lumilitaw na sumasalungat ang aksyon ng mga opisyal ng gobyerno sa layunin ng batas na bawasan ang impluwensya ng tabako at pigilan ito sa pagsulong ng mga produkto nito.
Binanggit din ng PAV ang Executive Order No. 26 na nagtatatag ng smoke-free environments sa pampublikong lugar at EO 46 na naglalaman ng mga patakaran sa Ethical Conduct of Public Officials and employees, sa gayon nagbabawal sa mga pampublikong opisyal na tumanggap ng mga regalo o donasyon na maaring makaimpluwensya sa kanilang kawalang-kinikilingan.
Iginiit din ng PAV ang RA 6713 o Code of Conduct and Ethcal Standadrs for Public Officials and Employees.
Nanawagan ang PAV sa mga public officials na suriin muli ang kanilang mga posisyon at itakwil sa publiko ang anumang pag-endorso ng tobacco industry upang maibalik ang tiwala ng publiko at itaguyod ang mga prinsipyo ng kalusugan at integridad na hinihingi ng ating komunidad at mga batas.
Hinimok din ng grupo ang mga awtoridad na muling suriin ang pagtanggap ng mga donasyon sa industriya ng tabako at suriin at linawin ang mga patakaran tungkol sa mga donasyon mula sa mga industriyang may alam na masamang epekto sa kalusugan.
“Reaffirm and strengthen the commitment of government officials to public health laws and ethical conduct by implementing stricter guidelines on interactions with industries that have a detrimental effect on public health,” sabi ng PAV.
Sa panig ng Department of Health (DOH), patuloy na maging tagapagtaguyod ng tobacco at vape control si Seceratry Teodoro Herbosa.
Sinabi rin na hindi tumatanggap ang DOH ng anumang donasyon mula sa tobacco/vape industry.
Nanatili rin ang kanyang matibay na posisyon at nang ahensya laban sa tobacco/vape industry. (Jocelyn Domenden)