Advertisers
INIHAYAG ng isang mambabatas na ang resulta ng imbestigasyon ng House Committee on Human Rights ay maaaring palakasin ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) hinggil sa umano’y mga krimen laban sa humanity ng dating Pangulo Rodrigo Duterte at iba pang opisyal ng kaniyang administrasyon.
Siniguro ni Santa Rosa City Representative Dan Fernandez na ang pagdinig ng komite sa extrajudicial killings (EJKs) hinggil sa kontrobersiyal na war on drugs ng nakaraang administrasyong Duterte ay maaring gamitin bilang ebidensiya sa ICC.
Sinagot ni Fernandez ang pahayag ni dating PNP Chief ngayo’y Senador Ronald Dela Rosa na kinukwestiyon ang authority ng house panel sa pagsasagawa ng imbestigasyon.
Ayon sa mambabatas, ang Kamara ay isang independent body.
Sinabi ni Fernandez na nakahanda sila makipagtulungan sa international bodies partikular ang ICC.
Una nang nanindigan si Pangulo Ferdinand Marcos, Jr. na hindi makikipagtulungan ang bansa sa ICC at wala itong jurisdiction.
Samantala, nagpahayag ng pagkadismaya ang committee chairperson, Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante, sa hindi pagsipot nina Duterte at Dela Rosa.
Pagsiguro ni Abante, ayaw niyang maging one-sided ang komite kaya ginagawa nila ang lahat para maging patas ang kanilang pag-iimbestiga “in-aid of legislation”.
Siniguro pa ni Abante na patuloy nilang iimbitahan ang dating Pangulo at si Sen. Dela Rosa sa mga susunod na pagdinig.