Advertisers
IKINALUGOD ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkakabasura ng illegal drug cases laban kay dating Sen. Leila de Lima.
Sa isang ambush interview matapos dumalo sa 2024 National Employment Summit sa lungsod ng Maynila, ipinunto ni PBBM na patunay ito na gumagana ang justice system sa Pilipinas.
Iginiit ng punong ehekutibo na dumaan sa imbestigasyon si De Lima, sumalang sa paglilitis hanggang sa tuluyang mapawalang-sala sa kanyang mga kaso.
Ipinunto ng presidente na mahalagang maipabatid ito sa International Criminal Court (ICC) dahil pinatutunayan nitong gumugulong ang sistemang panghustisya sa ating bansa.
Samantala, muli ring nilinaw ni Pangulong Marcos na hindi nagbabago ang kanyang posisyon na walang jurisdiction ang ICC sa Pilipinas at may sarili itong police force kaya’t hindi na kailangang asistehan ng mga dayuhan sa pagpapatupad ng batas. (Gilbert Perdez)