Papel ng media sa ‘good governance’ pinuri ni Bong Go
Advertisers
Pinuri at pinasalamatan ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga miyembro ng propesyonal na media sa kanilang papel sa paghubog sa pampublikong usapin at pagtiyak na palaging maayos ang pamamahala sa gobyerno.
Ginawa ni Go ang pahayag bilang isa sa mga speaker ng 2nd Bicol Social Media Summit 2024 na ginanap sa Casablanca Convention Center sa Legazpi City, Albay.
Ang okasyon ay dinaluhan din ng mga kilalang public figure, kabilang sina Councilor Caroline Ziga, Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Undersecretary Paul Gutierrez, National Press Club President Lydia Bueno, at iba pa.
Sa temang “The Role of Public Servants and Youth Leaders: Promoting Societal Inclusivity and Competitiveness in the Region”, ang summit ay inorganisa ni Bicol Press Club President Ruel Saldico.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Go na dumalo rin sa 1st summit noong nakaraang taon, ang napakalaking papel ng mga kasapi ng media sa paghubog ng pampublikong diskurso at pagtiyak ng transparency sa pamamahala.
“In this era of rapid information exchange, our roles are more intertwined than ever. As public servants, our commitment to transparency and accountability remains steadfast. We are tasked with governance and ensuring that our actions reflect the trust and expectations of the people we serve,” ani Go.
“The work of media people is paramount. They are the bridge between the government and the people, ensuring that the public knows and understands every action we take,” idiniin niya.
Iginiit ni Go na ang pagsisikap at gawain ng public servants ay makikilala at maa-appreciate kung epektibo itong maipapabatid sa mamamayan sa tulong ng media.
Idiin ni Go ang karapatan ng mga Pilipino na malaman ang tungkol sa gawain ng mga nasa gobyerno at responsibilidad ito ng mga nasa media.
“Filipinos have every right to know what’s happening in their country, and it is the job of those in the media to deliver this information accurately and promptly,” anang senador.
Ayon kay Go, ang responsibilidad ng mga mamamahayag na mag-ulat nang tumpak at etikal ay nakatutulong sa paghubog ng “public perception at policy direction. Ito aniya ay isang makapangyarihang kasangkapan ng bansa tungo sa landas ng pagsulong.
Naging tampok din sa kanyang talumpati ang isinusulong niyang Senate Bill No. 1183 o ang “Media and Entertainment Workers Welfare Act.” Layon ng batas na mabigyan ng mas pinahusay na proteksyon, seguridad, at mga insentibo ang mga manggagawa sa media sa lahat ng midyum.
Sa ilalim ng kanyang panukala, dapat magkaroon ng kontrata ang media entity at empleyado upang magarantiya ang lubos na proteksyon ng media mula sa hindi makatarungang kabayaran at matiyak na ang kanilang mga karapatan at kapakanan ay hindi napababayaan.
“Pinupuri ko ang lahat ng Pilipinong nagtatrabaho sa industriya ng media para sa kanilang dedikasyon at tiyaga sa pagtiyak na ang publiko ay nakatatanggap ng pinakatumpak at mahahalagang impormasyon,” sabi ng senador.