Advertisers

Advertisers

Nasaan ang hustisya para sa 2 empleyado ng Eternal Gardens, DoJ?

0 60

Advertisers

MAY pakiusap tayo kay Department of Justice (DoJ) Sectertary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na baka po, pwedeng pakisilip lang itong kasong administratibo laban sa dalawang Batangas prosecutor.

Kasi po, Oktubre noong isang taon ang kasong ito, Sec. Remulla pero lakad-pagong ang nangyayari sa imbestigasyon versus sa dalawang piskal na obvious, sa tingin ng mga biktima, mali po ang ginawa laban sa kanila.

Ganito po iyon: ilegal na ipînaaresto nina Prosecutor II Edelwina Ebreo at Deputy City Prosecutor Evelyn Jovellanos ng Batangas City Prosecution Office sina Arnel Albuzzo at Marizza San Diego, kapwa kawani ng Eternal Gardens, isang memorail park sa naturang probinsiya.



Oktubre 13, 2023, napansin ni Piskal Ebreo na nawala ang lapida sa puntod ng kaanak na nakalibing sa Eternal Gardens.

Ipinaliwanag ng dalawang caretaker sa memorial park na matagal nang wala ang lapîda, pero hindi ito pinaniwalaan ng piskal, at ano sumunod na pangyayari?

Sa kabila nang maayos na paliwanag, hindi ito pinaniwalaan ni Prosecutor Ebreo, na ang ginawa, ipinaaresto sina Albuzzo at San Diego sa mga pulis-Batangas.

Okay sana na arestuhin kung may sapat na batayan ang hinala na ang lapida ay nawala sa kapabayaan o sabi ay “ninakaw” ng dalawang kawani ng Eternal Gardens.

Ang problema, sabi ni Atty. Alexis Oco, abogado ng Eternal Gardens na tumatayong counsel nina Albuzzo at San Diego, dinakip ang dalawa nang walang warrant of arrest!



Kungdi po ito pagpapakita ng abuse of authority, Sec. Boying, ano po ang matatawag dito — kapritso lamang o pagpapasikat, siguro hindi naman po.

Sa tagal ng imbestigasyon laban sa di-maayos na kilos at trato ng dalawang piskal na ito na inaasahan natin na siyang dapat sumunod sa legal na proseso ng batas, pwedeng ipalagay natin na may “miracle” po dito.

Wika nga ni Atty. Oco, hindi na makatarungan.
Tulad ng madalas nating marinig, “Justice delayed is justice denied.”

“Ang request lang namin sa DOJ ay tingnan ang administrative case na isinampa namin at mabigyan ng hustisya ang dalawang empleyado ng Eternal Gardens na ipinakulong gayon na ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho,” sabi ni Atty. Oco.

Siguro, dapat ding imbestigahan ang mga pulis-Batangas na umaresto kina San Diego at Albuzzo kahit walang arrest warrant.

Eto pa ang iregularidad na ginawa ng pulisya sa dalawang tauhan ng Eternal Gardens, inimbestigahan, kinuwestiyon nang walang abogado.

Paglabag ito sa Miranda law na ayon sa desisyon ng Surpre Court, ang isang accused ay may karapatan na kumuha ng abogado para idepensa siya o makunsulta sa panahon ng imbestigasyon.

At kung walang abogado ang akusaso, tungkulin ng pulisya na bigyan siya ng abogado — at ang anomang statement na makukuha sa isang suspek o accused, ito ay walang silbi, hindi magagamit, ayon sa maraming desisyon ng SC.

Paglabag po ito sa constitutional rights ng dalawang tauhan ng Emerald Gardens at ang pagkakaiit sa karapatang ito, ay sapat na upang sila ay mapawalang sala.

Ito naman pong si Piskal Jovellanos, agad isinalang sa inquest proceedings sina Albuzzo at San Diego kahit walang abogado ang dalawa.

“We noted that there were already violations of their rights since they were subjected to investigation, questioning without the presence of any counsel of their choice and inquest proceedings was presided by another member of the Office of the Prosecutor’s Office without the presence of counsel of choice of the two employees or even a member of PAO (Public Attorney’s Office),” paliwanag ni Atty. Oco.

Bilang magaling na trial lawyer po si Sec. Remulla, alam niya at ng kahit sinong taga-DOJ may nangyaring mali sa ginawa ng dalawang piskal ng Batangas.

No due process of law — at ito ay dapat na sinusunod ng lahat ng honorable officers of the law and officer of the Court.

Ayon kay Atty. Oco, pinakialaman pa ng dalawang piskal ang trabaho ng mga police investigators, kasi sina Ebreo at Jovellanos ang kumuha ng statement kina Albuzzo at San Diego, at ito ay talagang pagpapakita ng kanilang kapangyarihan at impluwensya.

Sa tingin ng inyong abang lingkod dear readers, ang nangyari ay malicious prosecution, at ito ay ang tingin din ng ibang mga kakilala nating abogado.

Kaya po, ang ating pakiusap sa DOJ, lalo na po kay Kuya Sec. Boying Remulla, pakisilip lamang po ang kasong administratibo laban sa dalawang Batagas prosecutor.

Kasi po, malaking batik ito sa reputasyon ng National Prosecution Office, at sa DOj mismo kung mawala ang tiwala ng taumbayan na may hustisya na makukuha ang maliliit na mamamayan.

Nakalaya ang dalawa, matapos ang tatlong araw na pagkadetine noong Oktubre 16, 2023 at hanggang ngayon, marinig lamang nila ang pangalan ng dalawang piskal, nakararanas sila ng takot at matinding trauma.

Kaya po ang pakiusap nina Albuzzo at San Diego sa DOJ, paki naman po, aksiyonan na ang kaso versus kina Ebrero at Jovellanos, ngayon na!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisma@yahoo.com.