Modernong Isabelo delos Reyes Elementary School titindig sa 1st district ng Tondo

Advertisers
SA loob ng isang taon o maaaring kulang ang isang taon, isang bago at modernong Isabelo delos Reyes Elementary School ang titindig sa unang distrito ng Tondo.
Ito ang tiniyak ni Mayor Honey Lacuna matapos pangunahan ang groundbreaking ceremony ng anim na palapag na gusaling magbibigay sa mga mag-aaral ng bagong lugar na mas kaiga-igaya sa pag-aaral.
“Bahagi ito ng ating prayoridad sa paglilingkod bilang inyong punong lungsod at itinuturing na ina ng mga Batang Maynila. Nais nating maging kumportable ang ating mga mag-aaral gayundin ang mga kaguruan sa mga panahon na narito sila sa loob ng paaralan,” pahayag ng alkalde.
Ayon pa sa lady mayor, umaasa din siya na dahil sa proyektong ito, ang mga guro ay magiging inspirado sa kanilang tungkulin hindi lamang bilang tagapagturo kundi bilang ikalawang magulang ng kanilang mga tinuturuan.
Binanggit ni Lacuna na ang mga guro ang siyang pangunahing responsable sa pagtatanim ng kaalaman sa mga mag-aaral, pagtuturo ng disiplina at paghubog sa kanila upang maging mabuting mamamayan.
“Siyempre, nais din natin itong magsilbing insirasyon sa ating mga Batang Manilenyo upang sipagin pang lalo na pumasok sa paaralan, mag-aral upang palaguin ang kanilang kaalaman at kasanayan. Ito ay regalo natin para sa mga taga Isabelo delos Reyes Elementary School at sa lahat pang mga batang Tondo na gagawi at mag-aaral dito,” sabi ni Lacuna.
Lalo pang sinigurado ng alkalde na ang pamahalaang lungsod sa ilalim ng kanyang pamamahala ay hindi hihinto at sisikapin na ang uri ng edukasyong ipinagkakaloob sa Maynila ay patuloy na tataas ang kalidad upang bigyang kakayahan ang mga mag-aaral na magamit ito para mabago ang estado ng kanilang pamumuhay.
Nabatid kay City Engineer Armand Andres na ang planong bagong gusaling paaralan ay magkakaroon ng mga modernong amenities.
Kabilang din sa dumalo sa groundbreaking sina Vice Mayor Yul Servo, City Engineer Congressman Ernix Dionisio (1st district), City Electrician Randy Sadac, City Architect Pepito Balmoris, Division of Schools Superintendent Rita Riddle, Isabelo Delos Reyes Elementary School Principal Marcelo Mislang, mga konsehal ng unang distrito at iba pang city officials.
Ito ang pangatlong paaralan na inutos ni Lacuna na ipatayo.
Ang nasabing paaralan ay nasa 9,273 square meter floor area, at magkakaroon ng 49 classrooms, e-room, laboratory, library, auditorium at conference room.
Magkakaroon din ito ng apat na elevator units, restrooms, faculty room, offices, canteen at roof deck area. (ANDI GARCIA)