Advertisers

Advertisers

Island Cove Resort, isla ng mga espiya?

0 37

Advertisers

Isa sa iconic place at tourist destination ang Covelandia sa Kawit, Cavite na itinayo noong early 80s ng makisig na Governor Johnny ‘Wapog’ Remulla — ang ama ng magkuya, sina DOJ Sec. Boying at Cavite Gov. Jonvic Remulla.

Konting trivia, baket ‘Wapog’ ang tawag sa yumaong amo ng makikisig na Kingpin ng Cavite, ito kasi ay mula sa salitang “Guwapo” na pabaligtad na sinasalita — guwapoguwapog: wapog.

Madalas na convention site ng mga local and national politicians ang Covelandia (doon daw idinaos noon ni VP Erap Estrada ang unang sigaw nang kumandidato at nanalo nga siya na presidente noong 1998, tama ba ako, NPC director, Atty. Ferdie Topacio?



Bakit natin tina-topic ang Covelandia na pinangalanang Island Cove Resort, kasi ito ay ibinenta ng Remulla siblings noong 2017 sa mga Chinese na tinayuan ng una ay apat at ngayon, ayon sa mga balita, kulang o higit sa 40 gusali ng pinakamalaking Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa, kungdi po tayo nagkakamali.

Sa Senado kasi, iginigisa, kumbaga ay bine-blender si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na cuddler daw ng POGO at ang hinala, isa itong spy na itinanim ng China para sa nalalapit na pagsakop sa ating bansa.

Isang POGO building lang meron sa Bamban na ang duda ng marami, dun nagtatago ang maraming Chinese military personnel na nagkukunwaring POGO employees.

Teka, mga senators, ipatawag din nyo ang mga opisyales ng Bureau of Immigration (BI) kung paano nakapapasok at nakakukuha ng mga dokumento para manatili nang matagal ang mga POGO employees na Chinese.

E, sa Island Cove, ayon sa balita, yes, balita lang, kasi hindi ka basta-basta makapapasok sa lugar na ito, kasi bantay-sarado ng mga Chinese at parang may sarili itong gobyerno.



Kung binibintangang cuddler ng POGO at taguan ng Chinese spies ang Bamban sa tulong ni Mayor Guo, e ano ang masasabi sa Island Cove na dati ay sa mga Remulla.

At balita, may ginagawang reclamation sa lugar, at maraming bahay ang naitayo roon na ang nakatira ay more or less, 20 or more Chinese POGO employees daw, pero malay natin kung mga opisyal militar at miyembro ng China’s politburo.

Balita, umabot sa mahigit na P7 bilyon ang pagkakabenta sa Island Cove na noong pandemya, naguwardiyahan ito nang mahigpit at parang munding Corregidor na hindi mapasok ng PNP at ng mga sundalo para magdala ng mga gamot at bakuna.

Sabi ng mga pulis na nagtangkang pumasok kasama ang mga health frontliners noong kainitan ng COVID-19 pandemic, may sariling ospital ang mga Chinese POGO operators doon, kaya hindi na kailangan ang assistance ng gobyerno noon ni dating Presidente Rodrigo ‘Digong’ Duterte.

Mula nang maibenta ito, wala nang pakialam siyempre ang provincial government, kasi consider “private property” na ito, na ewan natin kung nagbabayad ba ng amilyar at ng buwis sa provincial at national government.

Mula ba noong magkabentahan, kahit ba minsan, hindi ito nabisita nina Gov. Jonvic at ni Justice Sec. Boying noong siya ay naging gobernador ng Cavite?

At ngayong si Kuya Boying ang boss ng mga taga-BI, natanong na ba niya kung paano dumami at nakapasok ang mga Chinese sa Island Cove POGO?

E, noon, pumutok ang balita na pinasabog ni Sec. Boying na maraming Chinese na naging instant Pinoy, kasi nakakuha ng birth certificate na sila ay Pinoy mula sa local civil registry at sa PSA at namimili ng lupa, hindi lang sa Cavite kungdi sa iba-ibang lugar sa bansa, at sila ang nagmamay-ari ng mga maraming businesses.

Since, hindi napapasok ang POGO sa Island Cove, pwedeng isipin na ito ay isa nang malaking Spy Station ng China, at ano ang malay natin, baka may mga armas na roon, at kung ano-ano pang mga kagamitan na pang-espiya.

Dahil nasa gitna ito ng tubig ng Bacoor Bay, madaling makapagdadala rito, lalo na sa gabi ng mga armas, at malay, baka submarino pa ang nagdadala, na sana hindi po.

Ngayong mainit sa Senado ang kaso ng umano “espiyang” Mayor Guo, aba naman, baka magkusa na si Justice Sec. Boying na utusan ang BI, NBI at i-request kay DND Sec. Gibo Teodoro na “dalawin” naman ang POGO sa Island Cove.

Baka gusto ni Kawit Mayor Angelo Aguinaldo na bisitahin ang POGO na sakop ng bayan nila kung nagbabayad ba ng tamang buwis sa amilyar, business, mayor’s permit at kung ano-ano pang dokumento para sila ay patuloy na mag-operate ng sugalang POGO.

Pwede mismo na si Gov. Jonvic ay magpautos na bisitahin ang POGO island na iyon, kasi, malay baka hindi natin alam, militarized na ito at hindi na pala POGO ang operasyon nito?

Baka pwede rin, mismong sina Senate president pro tempore, Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla at Sen. Francis ‘Tol’ Tolentino ay mag-umpisang mag-file ng resolution upang “masilip” ang POGO sa Island Cove at malaman kung ano ba talaga ang nangyayari sa loob ng mga gusali roon.

Baka mayroon na itong matataas na uri ng gamit militar na pang-espiya, at baka nga totoo ang balita na isa na itong mlitarized island at totoo rin ba, hindi ito napapasok ng ating pulis, sundalo at maging ng mga lokal na opisyal sa Kapitolyo at sa Kawit?

Yung kaso ni Mayor Guo ay kapiranggot lang ng isyung POGO sa Bamban at para malaman natin ang misteryo sa islang ito sa Kawit, paimbestigahan na.

Siyempre, nasa kamay na ito nina Sec. Boying at Gov. Jonvic ang initiative, at siyempre kina Sen. Bong, Sen. Jinggoy at Sen. Tol ang inaasahan natin na mag-uumpisa upang mabuklat kung ano ba talaga ang misteryo ng POGO operations sa Island Cove.

Ups, sabi ng isang kaibigan natin, hindi lang sa buong Pinas pinakamalaki ang POGO sa Island Cove, ito pala ay ang ” biggest POGO compound sa buong Asya?”

Mahal na Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., Justice Sec. Boying, Gov. Jonvic, ano po ang inyong masasabi; at kelan kayo kikilos, Sen. Bong, Sen. Jinggoy at Sen. Tol?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.