Advertisers

Advertisers

YAMSUAN HINILING SUPORTA NG DILG SA PAG-POSTPONE NG BSKE ELECTIONS

0 12

Advertisers

HUMINGI ng suporta mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga mambabatas na nagpanukalang ipagpaliban sa taon 2026 ang Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) elections para matiyak na ang mga opisyal na maaapektuhan nito ay mabibigyan ng boses sa Kongreso.

Sina Congressman Brian Raymund Yamsuan ng ‘Bicol Saro Partylist’, at sina Cong. LRay Villafuerte at Cong, Migz Villafuerte na kapwa kinatawan ng Camarines Sur ang nagpanukala sa ilalim ng House Bill (HB) 10344 na isagawa ang halalan ng BSK sa Oct 26, 2026 sa halip sa naunang naitakdang petsa na Dec. 1, 2025.

Sumulat sila kay DILG Secretary Benhur Abalos upang hingin ang kooperasyon at suporta ng Kagawaran sa kanilang bill sa pamamagitan ng pagbibigay ng kumpletong listahan ng mga pangalan, office address, email address at contact number ng mga kasalukuyang nakaupong BSK officials.



Ayon kay Yamsuan, ito ay upang matiyak na ang mga opisyal ay makokontak at makokonsulta ng Kongreso sa panukalang pag-postpone ng BSK elections.

Nilinaw din ni Yamsuan at ng mga Villlafuerte na ang HB 10344 ay hindi para palawigin ang termino ng mga nakaupong BSK officials kundi para maibigay sa kanila ang takdang panahon na pagsisilbi sa bayan.

“Ang aming panukalang batas ay para matiyak na makukumpleto ng mga kasalukuyang nakaupo ang tatlong taon pagsisilbi sa bayan na nakasaad sa ating Konstitusyon at Local Government Code,” ayon kay Yamsuan na dating DILG Assistant Secretary.

Ayon pa kay Yamsuan, kung gagawin ang halalan para sa mga BSK officials sa Disyembre ng susunod na taon, may dalawang taon lang silang makakapagsilbi dahil Oct. 2023 lang sila nakaupo sa pwesto.

Sa kanilang sulat kay Sec. Abalos, sinabi nina Yamsuan at ng mga Villafuerte na ang kanilang bill ay para mapangalagaan ang karapatan hindi lamang ng mga nakaupong BSK officials kundi maging ng mga bumoto sa kanila na umaasang matutupad nila ang kanilang mga pangakong programa at proyekto.



“Mahalagang maipasabatas ang bill dahil kapag tinuloy sa 2025 ang eleksyon, mauudlot ang pagpapatupad ng mga nailatag nang proyekto at programa ng mga BSK officials para sa kani-kanilang mga komunidad. Hindi po ito tama dahil sila ay nahalal ng taumbayan na ang alam ay makakapagsilbi sila sa bayan ng may sapat na panahon, at ‘yan po ay sa loob ng tatlong taon.”

Kapag naisabatas ang bill, may 42,001 na BSK chairpersons at 294,007 na miyembro ng SK at Sangguniang Barangay ang tinatayang makakumpleto ng kanilang tatlong taong mandato bilang mga lingkod-bayan.