Advertisers
NAGPAHAYAG ng kahandaan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyan ng sertipikasyon bilang “urgent” ang panukalang amyendahan ang Rice Tariffication Law (RTL).
Sa isang ambush interview sa Pasay City, ipinaliwanag ni PBBM na ang pangunahing suliranin ngayon ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng palay mula sa mga magsasaka dahil sa walang kontrol na pagtataas ng mga negosyante.
Ayon sa kanya, resulta nito ang pagmamahal ng presyo sa mga pamilihan.
Ipinunto ni Marcos na sa pagbabago ng RTL at charter ng National Food Authority (NFA), inaasahang magkakaroon ng kontrol at impluwensiya ang gobyerno sa presyo ng palay at bigas, na magreresulta sa pagbaba ng presyo nito sa mga palengke.
Bilang bahagi naman ng isinusulong na pag-amyenda sa Rice Tariffication Law, layunin na ibalik sa NFA ang kapangyarihang makapagbenta muli ng bigas sa mas mababang presyo na mapapakinabangan ng maraming mahihirap na Pilipino. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)